TOTOO kaya ang impormasyon na bangayan sa pulitika ang dahilan kung bakit umiigting ang pagtutol laban sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority at hindi tunay na pakikibaka ng mamamayan ng probinsiya para sa kanilang karapatan sa lupa o ancestral domain?
Matatandaan na noong Disyembre ng nakaraang taon, naglakad mula Aurora hanggang Maynila sa loob nang 17 araw ang mga katutubo para ipakita ang kanilang pagtutol sa proyekto at para makausap na rin si Pangulong Noynoy Aquino.
Sa naturang dayalogo, pinilit ng mga nagmartsa ang Pangulo na ibigay ang kanilang mga kahilingan tulad ng pamamahagi nang ancestral domain titles, renewal ng social forestry contracts, probisyon para sa pagkakaroon ng mapagkakakitaan ng mga mangingisda, at paglalabas ng economic review ng National Economic Development Authority tungkol sa APECO.
Makalipas lang ang tatlong buwan, muli silang naglalakad patungong Maynila para kunin kay Pangulong Aquino ang mabibigat nilang kahilingan.
Pero sa totoo lang, parang ginigipit lang ng mga marcher si Noynoy dahil alam naman nila na imposibleng maibigay ang kanilang mga hinihiling sa loob lamang ng tatlong buwan.
Maliwanag na mukhang may gumagamit lang sa mga kababayan nating ito para mapahiya hindi lamang si Noynoy kundi maging ang mga taong nasa likod ng proyekto.
Kung iisipin ay maganda naman talaga ang layunin ng APECO kaya lamang ay nalalambungan ito ng mga isyung pulitikal.
Kung masusunod kasi ay malaki ang potensyal ng lalawigan ng Aurora na umunlad at makataas na sa taguri na isa sa pinakamahirap sa buong bansa.
Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lamang magkakaroon ng katuparan ang mga pinangarap ng mga tao na guminhawa dahil sisigla ang kalakalan dahil sa proyekto.
Dahil sa APECO ay magkakaroon ng maraming trabaho na siya namang isa sa mga batayan kung bakit gumagawa ng mga proyekto ang gobyerno.
Sa huli, dapat lang sigurong mapagbigyan ang proyekto hindi para sa mga politiko na nagsusulong nito kundi para sa mga kabutihan na maaaring idulot nito sa mga tao. At iyon ang pinakamatinding argumento para matuloy ang proyekto.
