MAY dahilan kung bakit abot tenga ang ngiti ng mga bumibisita at lumalabas sa police clearance section ng Quezon City Police District (QCPD).
Mula kasi sa halagang Php250, bumaba ito sa Php100 na lamang ang binabayaran ng nagnanais makakuha ng police clearance.
Good news sa milyong QC residents dahil sa totoo lang, maituturing na ito’y isang napakalaking swerte na dumating sa kanilang buhay.
Wala yatang LGU sa buong bansa ang naniningil ng police clearance na kasimbaba ng Php100 na sinisingil ngayon ng QC police.
Si Henrix Docusin, 24, ng Payatas, QC ay isa lamang sa napakaraming natutuwa sa ‘di inasahan na pagbaba ng bayarin sa police clearance. Sa tulad niyang mahirap, ang halagang Php150 na nabawas mula sa dating Php250 na ay napakahalaga.
“Isang araw na sweldo ko na rin ang nabawas na Php150” aniya, nalibre na ang isang araw na pagkain namin ng aking ama’t ina.
Sinimulang pairalin noong Oktubre 16, 2016 ang pagpapababa ng halaga ng police clearance.
Kung may dapat pasalamatan ay walang iba kundi si QCPD boss C/Supt. Guillermo Eleazar.
Si Gen. Eleazar, ayon kay QC police clearance chief C/Insp. Rodel Marinata, ang nasa likod o author ng pagbabawas ng bayarin sa police clearance.
Kaya raw lumalaki hanggang Php250 ang police clearance ay dahil sa Php150 na sinisingil ng service provider para sa ibinibigay na ID. Kung tutuusin, ‘di naman daw kailangan ang ID, at pahirap lamang sa mga kumukuha ng police clearance, giit daw ng heneral.
Ang resibo na binayaran ng Php100 ay sapat na at kikilalanin na bilang police clearance kaya ipinagbawal na ang nire-require pang ID ng service provider.
May punto si Gen. Eleazar sa desisyon na ibaba mula sa mataas na Php250 hanggang Php100 ang presyo ng QC police clearance.
Tulad nga ng nakausap nating si Henrix, tulad niya, marahil ay milyon ang mahirap na taga-Kyusi na sa kanila’y ‘langit’ ang nabawas na Php150.
Kaya nga nakabibilib itong si Gen. Guillermo Eleazar, laging gising ang isip basta sa kapakanan at kabutihan ng sinoman. Sa panahong ang PNP ay nalulugmok sa kahihiyan, nariyan si Gen. Eleazar na nagpapangiti kina Mang Juan at Aling Maria.
C/Supt. Guillermo Eleazar – a rare Breed of cop, indeed. CHOKEPOINT/BONG PADUA
