MULI na namang bubuhayin ng Philippine National Police ang pakikipag-giyera nila laban sa iligal na droga habang hinihintay lang ng PNP ang basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kailan uli sila magsisimula.
Bagama’t hindi pa malinaw kung kailan bubuhayin ng PNP ang muling pakikipag-giyera nila sa iligal na droga, tiniyak naman ni PNP chief Gen. Ronald Dela Rosa na lalong magiging madugo at marami ang titimbuwang sa muling laban nila kapag patuloy na magmamatigas ang mga sangkot dito sa batas.
Habang hinihintay pa ni Gen. Bato ang muling basbas ng Punong Ehekutibo ay binigyan na niya ng instraksyon ang binuo nitong bagong unit na binubuo ng mga piling pulis na siyang sasagupa sa mga kakasa sa “war on drugs.”
Kung maraming tumimbuwang na drug pusher, drug user at druglord noong maglunsad ang kapulisan ng giyera kontra droga, lalo raw marami ang inaasahang tutumba kapag patuloy na makipagtigasan ang mga salot ng lipunan na hanggang ngayon daw ay patuloy pa rin sa kanilang pangangalakal.
Pinaghahanda na raw muli ni Pang. Duterte ang PNP sa muli nilang pakikipaggiyera sa iligal na droga para tuluyan nang matuldukan ang salot na ito.
Kaya sana’y magising na ang taumbayan at makiisa sa laban ng gobyerno kontra sa illegal drugs, partikular na ‘yung mga intrimitido, gaya ng mga obispo at pari, na wala nang ginawa kundi kontrahin ang pamahalaan dito.
BOOKIES NG STL PADER SA PADRE GARCIA
Kahit mahigpit na ipinatutupad ang laban sa illegal gambling sa buong kapuluan ay patuloy pa rin daw na nag-o-operate ang bookies ng Small Town Lottery (STL) ng mag-among sina alyas Nonit at Kap. Tisoy sa Padre Garcia, Batangas.
Nakapagtataka kung bakit hindi kumikilos ang Batangas police provincial director kahit alam niya ang operasyon ng bookies ng STL ng mag-among Nonit at Kap. Tisoy.
Supt. Leo Cabanag sa nasabing bayan, ala e, bakit nagkaganyan?
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
