KASADO na ang planong pagpapatalsik sa trono laban kay Bise Pangulo Leni Robredo sa pamamagitan ng Impeachment Complaint.
Pareho na sila ngayon ng Lolo Digong ko. Nauna nang naihain ang reklamo laban kay Lolo Digong habang may kilalang beteranong abogado naman ang napakatulin sa pagsampa naman ng reklamo laban kay Tita Leni.
Tagilid sa labanan na ito ang kampo ni Tita Leni dahil ang ganitong reklamo na inihahain sa Kongreso ay kinakailangan ng sapat na bilang ng mga Kongresista upang umusad ito patungong Senado kung saan lilitisin ang akusado.
Sa tingin ko’y malabo sa ngayon ang reklamo laban kay Lolo Digong na inihain ng kilalang kasabwat ni Sen. Antonio Trillanes dahil sa tinatawag na ‘Super Majority’ sa Kongreso na kaalyado ng Malakanyang.
Ngayong may naghain na ng reklamo laban kay Tita Leni ay tiyak na mararamdaman ito agad gaya nang nangyari sa pagboto ng mga Kongresista sa isyu ng parusang bitay kung saan nagwagi ang ‘Super Majority’.
Sino ba sa kanilang dalawa ang dapat kabahan? Ang Lolo Digong ko na ubod ng dami ang kakampi sa Kongreso at Senado o ang Tita Leni na kakapiranggot ang kaalyado – ang Partido Liberal?
Ika nga ni Lolo Digong… ‘this is democracy’. Ang sampahan ng iba’t ibang uri ng reklamo laban sa isa’t isa ay palatandaang umiiral ang sa tingin ko’y inabusong demokrasya sa ating Inang Bayan.
Hindi pa man nasisibak sa trono itong si Tita Leni ay tila mayroon nang nagtutulak na grupo upang iluklok sa mababakanteng trono ng Bise Pangulo sa katauhan ni Zadik este, Sabik este mali na naman, Dick pala.
Aba’y paano na si dating Senador Bongbong Marcos? Mayroon itong nakabinbin na reklamo sa Korte Suprema kaugnay sa resulta ng bilangan ng boto nitong nakalipas na halalan laban kay Tita Leni.
Sakaling masibak si Tita Leni bilang Bise Pangulo, mawawalan na ba ng saysay ang reklmong inihain at ginastusan ng kampo ni Senador Bongbong? Isa na bang ‘moot and academic’ ang reklamo kung wala na sa kanyang trono itong si Tita Leni?
Ang sabi ng kampo ni Tita Leni ay walang matibay na dahilan upang patalsikin siya kung saan ganoon din ang punto ng kampo ni Lolo Digong. Pero ang ‘Impeachment Trial’ ay isang ‘prosesong pulitikal’.
Basta nakuha ang sapat na boto, sibak ka sa Impeachment Trial. Hindi tulad sa regular na pagdinig sa kasong kriminal na kung saan kailangan na ‘Beyond Reasonable Doubt’ o wala kahit isang kapiranggot na duda sa paratang.
***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.