ANG mga reklamo sa water services ng mga taga-Teresa, Rizal na hindi inaaksyunan ng kinauukulan ng Teresa Water District ang mga hinaing at mga reklamo ng mga water user.
Basahin natin ang reklamo:
Sir baka po pwedeng kalampagin itong TERESA WATER DISTRICT (TERWAD) sa Teresa, Rizal. Sobrang pahirap ang dulot ng hindi maayos na serbisyo ng tubig na mahigit isang taon naming nararanasan dito sa Sitio Pantay Dalig, Teresa.
Matagal na kaming nagtitiis sa mga pahirap na ginagawa ng Teresa water at halos 1 taon na kaming nagtitiis sa patak-ihi ng suplay ng tubig pero mataas pa rin ang binabayaran naming bill.
Mahusay lang sila ‘pag malapit na ang bayaran. Saka lang lalakas ang tulo ng tubig na kailangan pa naming abangan at hintayin sa madaling-araw para lang makapag-ipon kami ng tubig dahil saglit lang ang tulo.
Pagkalipas ng bayaran naman ay panibagong pahirapan na naman kung kailan muli magkakatubig. Kaya nga lahat kaming taga-Sitio Pantay Dalig, Teresa, Rizal ay nakararanas ng problema sa tubig.
Nagbigay ang TERWAD ng iskedyul na mula sa 8:00pm hanggang 2:00am para kami ay magkatubig pero madalas kaming mapuyat sa kahihintay dahil wala pa ring tubig. Pero madalas na nagkakatubig lang ng mga 2:30 ng madaling araw. Ang masakit ay mahina lang ang tulo. Hindi man lang kami makapagpuno kahit isa at napupuyat na kami nang wala man lang kaming napupunong tubig.
Sir Johnny, marami na rin po kaming nagrereklamo sa pamunuan ng TERWAD pero binabalewala lang nila at ang pinaka-masakit ay nagbabayad kami sa takdang araw ng bayaran pero madalas na walang tubig. Sana po, Sir, matulungan ninyo kami sa problema naming ito.
SUGALAN SA NE WALANG AKSYON SI PD
Sa Nueva Ecija, namamayagpag ang pwesto pijo ng drop balls sa iba’t ibang bayan na kinawiwilihan ng mga Novo Ecijano. Kahit pambili na lang ng bigas at ulam ay isinasapalaran pang itaya sa nasabing sugalan.
Ang isa sa hindi ginagalaw na puwesto pijo ng drop balls dito at magdamagan pa ang operasyon ay kay Edison sa bayan ng Rizal na kalimitan ang mga player niya rito kundi mga kabataan ay pawang mga durugista. Ganun din ang drop balls ni Jovie sa Sto. Domingo na pinamumugaran din ng mga adik.
Ano ba ang ginagawa ni NE Provincial Director Supt. Antonio Yarra, tumunganga lang ba? JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
