KAMAKAILAN, naging paksa sa media si Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce III makaraang interbyuhin ito sa kanyang panawagan sa pulisya ng Pateros at maging sa direktor ng Southern Police District (SPD) na si C/Supt. Tomas Apolinario, Jr. na ipatigil nito ang extrajudicial killings (EJKs) sa Pateros.
Idiniin ni Ponce na tutol ang kanyang administrasyon sa EJKs laban sa mga tulak ng bawal na gamot.
Hindi maganda ang panawagan ni Ponce sa pulisya, partikular kay C/Supt. Apolinario, sapagkat lumilitaw na pinagbibintangan ng alkalde ang pulisya na siyang nasa likod ng serye ng EJKs sa bayan ng Pateros.
Dapat, nanawagan si Ponce sa mga druglord sa Pateros na itigil na ang EJKs.
Sa kabila ng pagtutol ni Ponce sa EJKs, idiniin niyang suportado niya ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.
Dapat itanim sa isipan ni Mayor Miguel Ponce na talamak ang iligal na droga sa Pateros na pinabayaan ng mga nakalipas na administrasyon ng nasabing bayan.
Dapat gumawa ng kongretong hakbang si Ponce laban sa iligal na droga sa kanyang nasasakupan.
Sa totoo lang, maging jueteng ay napakatalamak din sa Pateros. Dapat bigyan din ito ng pansin ni Ponce at maging ni Apolinario.
Alam kong kaya ni C/Supt. Apolinario na sugpuin ang iligal na droga at jueteng sa Pateros – at maging sa iba pang lungsod na nasasakupan ng SPD tulad ng Taguig, Pasay, Makati, Las Pinas, Parañaque, at Muntinlupa.
Hindi naman siguro mararating ni C/Supt. Apolinario ang pagiging direktor ng SPD kung wala itong napatunayan sa mga nakalipas na panahon.
PANIBAGONG PROYEKTO SA CALOOCAN
LULUWAGAN na ang kanto ng Quirino Highway at Malaria Road sa Lungsod na Caloocan.
Maganda ang proyektong ito nina Mayor Oscar Malapitan at Rep. Along Malapitan, sapagkat makaluluwag ito ng daloy ng mga sasakyan.
Sa proyektong ito nina Mayor Malapitan at Rep. Malapitan, alam ng mga residente ng lungsod kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad na buwis sa pamahalaang lungsod ng Caloocan. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA