HINDI pa man umiinit ang wetpu sa kinauupuan nitong trono ng bagong Batangas Provincial Director (PD) na si Supt. Randy Peralta ay kaagad niyang inutos sa lahat ng kanyang mga chief of police na paghuhulihin ang lahat ng uri ng iligal na pasugalan at iba pa.
Isa-isang pinagkakausap ni Supt. Peralta ang lahat ng chief of police sa bawat bayan na ipatigil ang iba’t ibang uri ng kailigalan gaya ng pasugalan, paihi, bar o night club at iba pang kailigalan sa buong lalawigan.
Binantaan din ni Supt. Peralta ang lahat ng kanyang COP na hindi susunod sa kanyang kautusan na kanya itong ire-relieve kapag nahulian niya silang may mga iligal na pasugalan at iba pang mga kailigalan sa nasasakupan nila.
Matatandaang noong kapanahunan ni Regon 4-A Gen. Valfre Tabian ay inilagay niya si Supt. Peralta bilang PD ng lalawigan ng Rizal at pinatigil nito ang namumutakting iba’t ibang iligal na pasugalan at iba pang kailigalan.
Simula nang maging PD si Peralta sa lalawigan ng Rizal ay buong tapang niyang ipinatupad ang “kampanya laban sa iligal na pasugalan” kaya naman isa-isang mga nagsitiklop ang mga gambling operator sa nasabing lalawigan.
Kaya naman ipinakita ni Supt. Peralta na hindi nagkamali si Region 4-A RD Gen. Mao Aplasca sa pagpili sa kanya bilang PD ng nasabing lalawigan na naging “gambling free”.
TUPADA SA BACOOR, TULOY PA RIN
Sir Johhny, kung okay lang po sa inyo, pakipitik uli ‘yung sa kinolum n’yo tungkol sa tupadahan sa Bacoor, Cavite.
Patuloy pa rin ang patupadahan ng mag-amang Ramirez sa Bukid, Bacoor, Cavite. Umaga pa lamang, alas-7:00, ay simula na ang tupadahan. Lalo na ang cara y cruz, malakasan ang taya, inaabot ng P30,000.00 ang tinatalo ng mga mananaya.
Pati na rin ang iligal na droga, talamak pa rin. Nagtataka na nga lang ang mga residente, kung bakit ganun na lamang kalakas sa Cavite police itong mag-ama.
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
