TODO ang suportang ibinibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Gina Lopez.
Ito ay dahil alam ng Pangulo ang mga iregularidad sa ahensiya na kasalukuyan nang iniisa-isang sugpuin ni Lopez bilang pinuno ng DENR.
Alam naman natin na bago pa man naitalaga bilang DENR Secretary si Lopez ay puspusan na ang paglaban nito sa mga taong umaabuso sa kalikasan.
Nang simulan nito ang kanyang trabaho ay marami sa mga mining company ang nagulantang dahil walang pinatawad si Lopez sa kanyang pagsugpo sa nga iregularidad sa loob ng naturang ahensya.
May mga mining company ang nabigyan ng closure order ni Lopez dahil na rin sa lantarang pagsira ng mga ito sa ating kalikasan.
Sa ngayon ay isa-isang iniinspeksyon ni Lopez ang mga minahan sa bawat sulok ng bansa upang matukoy kung may mga iregularidad ang kanilang ginagawang pagmimina.
Ang pinakahuling binalaan ni Lopez na maaaring mapasara ay ang Benguet Mining Corporation na nagmimina ng copper sa San Marcelino, Zambales.
Lumalabas kasi sa isinagawang inspeksyon ni Lopez na grabe ang iniwang pinsala ng naturang mining company sa kalikasan kaya sakaling mapatunayan ang kapabayaan nito ay maaari silang mawalan ng permit sa pagmimina.
Kapag tuluyang nasugpo ni Lopez ang kabulukang nagaganap sa DENR ay malamang na mas mapangangalagaan natin ang ating kalikasan at mapakikinabangan ito ng susunod na henerasyon.
Hindi nagkamali si Pangulong Duterte sa pagpili kay Lopez bilang kalihim ng DENR dahil kitang-kita rito ang malasakit sa ating kalikasan.
Tulungan nating lahat si Sec. Lopez sa pagbabantay sa ating kalikasan at sakaling may nalaman tayong nananamantala ay agad natin itong ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan nang sa gayon ay tuluyan natin itong maprotektahan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
