MALAYA ang pag-ibig. Kahit sino, malayang umibig sa kahit kanino.
Hehehe!
Lamang, gusto man natin o hindi, may mga hangganan ang pag-ibig.
May mga naglalagay ng bakod na hindi dapat na akyatin o tawirin.
Lalo na kung ikasisira mo na o ng bayan ang ganyang uri ng pag-ibig.
SUPT. NOBLEZA
Itong kaso ni Supt. Maria Christina Nobleza ang isang halimbawa ng bawal na pag-ibig.
Alam na nating lahat na umibig ito kay Reneer Lou Dongon.
Dahil ligal nang hiwalay umano ito sa kanyang mister Nobleza, nagpakasal ito kay Dongon.
Sa una, siyempre, matamis ang lahat. Lalo na sa mga panahon na walang nakaaalam sa affair ng dalawa.
Kung wala nga.
HULI KA
Ilang taon ding naitago nina Nobleza at Dongo ang kanilang relasyon.
Pero minalas si Nobleza nang ma-checkpoint ito ng mga pulis sa Bohol habang patungo para sumaklolo sa isang ASG member na hinahanting ng mga awtoridad.
Kasama pa niya si Dongon.
Nakunan ang mga ito ng mga materyales na palatandaan ng pagsaklolo sa isang ASG member.
Nakunan din si Nobleza ng mga text message ukol dito.
SUMABIT
Ngayon ay nagkasabit-sabit na sa matinding kaso si Nobleza.
Una, ipinagbabawal ang pagkanlong ng sinomang terorista.
Pangalawa, bawal ang tumulong sa isang terorista dahil ang pagtulong dito ay pagtataksil sa bayan.
Ikatlo, klarong may pakikipagsabwatan si Nobleza sa ASG.
Ikaapat, malamang nagsisilbing espiya si Nobleza para sa ASG.
Lahat ng ito ay may kaukulang parusa. Alalahanin na itinuturing ang ASG na teroristang grupo.
At iniutos na nga mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na durugin, ngipin sa ngipin at mata sa mata ang mga ASG.
Sa kabila ng lahat, nanaig ang bawal na pag-ibig ni Nobleza.
MAY KATULAD
Kalalabas na balita ang ukol sa pag-ibig naman ng isang espiyang Amerikana sa isang miyembro ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria.
Parang katulad ito ng namamagitan kina Nobleza at Dongon.
Kung paano inutusan si Nobleza na imbestigahan noon si Dongon dahil sa pagkakasangkot nito sa ASG at pambobomba, gayundin na inutusan ng gobyerno ng Amerika si Daniela Greene na espiyahan si Denis Cuspert na isang Aleman rapper.
Nagpabinyag sa ISIS Cuspert bilang isang Abu Talha al-Almani in Syria.
At minsan nang may hawak itong pugot na ulo mula sa isang kalaban ng ISIS.
NAPAKASAL DIN
Kung nagpakasal si Nobleza kay Dongon, nagpakasal din si Greene kay Cuspert.
Dumayo pa nga si Greene mismo sa Syria upang doon magkapakasal sa terorista.
Pero sa ilang buwan lamang na pamamalagi nito sa Syria at sa piling ng kanyang asawa, nagkaroon ito ng pagbabago ng isip.
Palihim siyang lumabas sa Syria at bumalik sa Amerika. Doon na siya hinuli at ikinulong.
Kalalaya lang ni Greene sa kulungan at naging magaan ang kanyang sentensiya dahil sinabi niya ang lahat ng kanyang nalalaman ukol sa ISIS.
Sa kasaysayan nina Nobleza at Greene, anak ng tokwa, buhay na buhay ang istoryang James Bond na The Spy Who Loved Me.
SINO-SINO PA SILA?
Nagtataka umano ang mga matataas na opisyal ng pulisya kung bakit nasabit sa isang terorista si Nobleza.
Nagulat na lang umano sila nang mabuking ang relasyon nina Nobleza at Dongon.
Pero sa atin, hindi kapani-paniwala na walang opisyal na hindi nakaaalam dito.
Lumalabas kasi na may nakaaalam na nagsasama bilang mag-asawa at kasal ang dalawa.
Pero pinabayaan lamang sila. Ngayon, mga Bro, sino-sino ang mga nagpabaya?
Nagkaroon ba ng kapalit ang “kapabayaan” ng mga ito?
Alalahanin na daan-daang milyong piso o dolyar na ang naiipon ng ASG sa pangingidnap for ransom. At kung wala kang pang-ransom ay pugot-ulo kang bata o matanda ka.
PALALIMIN
Dapat na palalimin nang husto ng mga kinauukulan ang pag-iimbestiga kina Nobleza at Dongon.
Isa sa mga pinakamahalagang dapat na malaman ay kung may iba pang matataas na opisyal ng Philippine National Police na sangkot sa ginagawa, lalo na si Nobleza.
May protektor ba si Supt. Nobleza at may mga tauhan ba itong mga pulis na tagasilbi nilang mag-asawa?
Posible bang may kinalaman si Nobleza sa ilang kaso ng KFR at pamboboma ng ASG?
Aba, kayong imbestigador, kilos na kayo, bilis!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA