PATULOY si Pang. Rodrigo Duterte sa paglalagay ng Pilipinas sa katanyagan matapos na muli na namang tumatak sa buong mundo ang ating bansa dahil na rin sa tunay na pagbabagong gustong makamtan ng ating Presidente.
Sa ngayon ay balik-trabaho na naman si Duterte matapos na pangunahan ng Pilipinas ang katatapos na Association of South East Asian Nations Summit na ginanap sa ating bansa kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng naturang organisasyon.
Ipinakita ng Pangulo sa buong mundo kung ano ang kanyang mga hangarin para sa ating bansa, kabilang na ang pagkakaroon ng payapang komunidad, maunlad na ekonomiya at iba pang makakamtam ng Pilipinas sa susunod na mga taon dahil na rin sa mga nakalinyang proyekto ng kasalukuyang administrasyon.
Maraming banyaga ang humanga kay Duterte dahil na rin sa ipinakita nitong maayos na pamumuno hanggang sa kilalanin pa nga ito kamakailan bilang pinakamaimpluwensyang lider sa buong mundo.
Bagama’t may ilan na kumokontra sa pamamalakad ni Duterte sa ating bansa, lalo na sa paglaban sa iligal na droga, hindi naman nagpapakita ng karuwagan ang Pangulo sa tuluyang pagsugpo ng bisyong ito na maraming buhay at pamilya na ang sinira.
Maging ang pakikipaglapit ni Duterte sa China ay hinangaan din ng ilang tagapagmasid dahil maaaring ito na ang tatapos sa matagal nang problema sa West Philippine Sea.
Sa ngayon ay abala ang Pangulo sa mga proyekto ng kanyang administrasyon, kabilang na ang tinatawag na Build, Build, Build na hangaring maipatayo ang mga kinakailangang infrastructure project sa mga susunod na taon.
Ang mga proyektong ito ang lulutas sa mga problema sa trapiko, baha, kahirapan, krimen at iba pang suliranin na kinahaharap ng ating bansa. Sa mga darating na taon ay matitikman na natin ang magagandang maidudulot ng mga pinag-isipan at pinaghirapang proyekto ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na tayo sa ating Pangulo dahil sa wala nitong kapagurang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga Filipino at makaaasa rin ang lahat na hindi tayo bibiguin ni Tatay Digong sa kanyang mga ipinangako para sa ating bansa. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
