ILANG araw na rin ang giyera sa Marawi City sa pagitan ng magkasanib na pwersa ng mga sundalo at pulis laban sa ISIS-inspired Maute terrorist group.
Hindi na bago ang ganitong kagapanan dahil ilang beses na ring nakipagbanatan ang ating kasundaluhan at kapulisan sa mga kaaway ng gobyerno.
Sa panahon ni PNoy, kinubkob ng rebeldeng Muslim ang Zamboanga City at ng Maute group ang Butig, Lanao Del Sur bago pa lamang noon ang Duterte administration.
Bukod sa dalawang insidente na ito, marami pang pagtatangka na pagkubkob sa ilang lugar ang ginawa ng ilang rebel groups.
Subalit sa pagtatangka ng mga ito, lahat ay napagwagian ng government forces na very minimal ang nagbuwis ng buhay na sundalo at pulis.
Isa, dalawa, tatlo o lagpas pa… iilan kung ituring pero nakalulungkot pa rin dahil namatayan tayo dahil sa pagtatanggol nila sa Inang Bayan.
Nananalangin tayo na sana’y wala nang susunod pa, pero nagulantang na naman tayo nang lusubin ng ISIS-inspired Maute group ang Marawi City.
Kaya nga nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao, bunsod ng pag-atake sa Marawi, tayo’y naging kampanti lang.
Sa pamamagitan ng suportang dasal ng mga peace-loving Pinoy, batid natin na muling magtatagumpay ang ating kasundaluhan at kapulisan.
Pero ang naging akala natin, tila naging kabaligtaran ng mga nakaraang pagtatangka.
Dahil habang tumatagal ang sagupaan ay nadaragdagan ang listahan ng mga nalalagas sa puwersa ng pamahalaan, ganon din sa kabilang panig.
Kung noo’y patago at alumpihit lamang ang ating pag-iyak, ngayo’y ‘di na natin kayang itago ang labis na pagdadalamhati.
Napakalakas ng loob kong magkwento ng ganito dahil ‘first hand’ experience ko na natunghayan ko ang pag-iyak ng mga manonood sa telebisyon.
Habang isa-isang binabanggit ang mga nagbuwis ng buhay sa Marawi incident at ang kanilang mga pangalan ay mababasa sa TV screen ay nag-iiyakan ang mga manonood.
Plastic ako kung sasabihin kong ‘di ako umiyak.
Pero ang lalong nagpabagabag ng aking damdamin ay nang tanungin ako ng isang batang lalaki (edad 6 sa aking palagay) na umiiyak din.
Tinanong niya kung “Bakit daw may giyera pa” kasi aniya, marami ang namamatay.
‘Di ko siya nasagot. Palaisipan din kasi sa akin kung bakit kailangang magpatayan ang mga Pinoy. CHOKEPOINT/BONG PADUA