MALAKING karangalan ang ibinigay ng ating dalawang kinatawan sa 1st China International Skills Competition 2017 matapos makapag-uwi ang mga ito ng gold at bronze medal sa katatapos na kumpetisyon.
Kahanga-hanga ang ipinamalas na ito nina Joven Hayagan na nakapag-uwi ng gold medal sa IT Software Solutions for Business at Jalanie Dimacaling na nakasungkit naman ng bronze medal sa Web Design Development.
Huling sumali ang Pilipinas sa World at International Skills Competition noong 2003. Ngayong taon, dalawa lamang ang isinali natin sa kompetisyon at pinalad pa na kapwa nakapag-uwi ng medalya.
Pinuri rin ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sina Hayagan at Dimacaling dahil sa kanilang naiuwing karangalan.
Ngayong taon ay idinaos ang CISC2017 sa Suzhou at Shanghai, China noong June 5 hanggang June 9 na sinalihan ng mahigit sa 400 competitors at experts mula sa 35 bansa na pawang mga World Skills members.
Umabot din sa 21 competition skills at 24 demonstration skills ang pinaglabanan sa CISC2017 kung saan ay dalawang competitors lamang ang isinali ng Pilipinas na kapwa pa pinalad na makakuha ng medalya.
Bukod sa gold medal na nakuha ni Hayagan sa CISC2017 ay nakapagbigay din ito ng karangalan sa bansa tulad ng silver medalist-11th ASEAN Skills Competition, Kuala Lumpur, Malaysia, 2016; gold medalist-Philippines National Skills Competition, 2016; gold medalist-Bicol Regional Skills Competition, 2017 habang nag-champion na rin ito sa Province-wide Computer Programming Challenge, 2015.
Si Dimacaling naman ay nakapag-uwi na rin ng iba’t ibang karangalan tulad ng bronze medalist-11th ASEAN Skills Competition, Kuala Lumpur, Malaysia, 2016; gold medalist-Philippines National Skills Competition, 2016; gold medalist-Regional Skills Competition, 2015 at gold medalist-Baguio and Benguet Skills Competition, 2015.
Dahil sa ipinamalas na galing ng dalawa nating kababayan ay muling pinahanga ng Pilipinas ang buong mundo sa pamamagitan ng pagpapakita ng husay sa skills competition. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO