TIYAK na ang panalo ng ACT-CIS Partylist sa Davao City dahil suportado ito ni unopposed mayoralty candidate Vice Mayor Rodrigo Duterte. Alam naman natin na malaking bentahe sa sinomang kandidato sa pagka-senador o partylist ang pag-eendorso ni Duterte dahil tiyak na landslide ito sa nasabing lugar.
25 days bago ang eleksyon sa Mayo 13 ay inendorso ni Duterte ang Anti-Crime and Terrorism through Community Involvement & Support (ACT-CIS) Partylist para iboto ng Davao City sa halalan.
Nangangahulugang laglag sa endorsement ni Duterte ang mga partylist ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela Women’s Partylist, Kabataan, Act-Teachers, Katribu, Piston, Migrante and Akap-Bata.
Hindi matatawaran ang liderato at impluwensya sa pulitika ni Duterte sa Davao City. Ano pa bang pruweba ang kailangan para patunayan ito gayung wala itong kalaban sa pagka-mayor sa darating na eleksyon?
Napakaswerte nitong si dating CIDG Director, Atty Sammy Pagdilao, sa pagkakaendorso ni Duterte sa kanyang ACT-CIS Partylist. Halos kalahati ng 1.5 milyong boto na kailangan ng ACT-CIS Partylist para maging numero unong partylist group ay sinagot na ni Duterte.
DAVAO City pa laman yan at hindi ito ang kabuuang boto ng Mindanao.
Sinasabing balwarte rin ng ACT-CIS Partylist ang General Santos City at ang distrito ni Pambansang Kamao, Congressman Manny Pacquiao.
Sinasabi ring selosan sa lokal na politika ang paglaglag ni Duterte sa mga partylist ng militanteng grupo, ngunit anopaman ang tunay na dahilan ay mas makabubuting sa mamamayan ng Davao City at mga karatig na bayan nito sa Davao del Norte, Davao Del Sur at Davao Oriental na lang natin malalaman kung ang ACT-CIS ni Gen. Pagdilao ang kanilang susuportahan.
Unang-unang layunin ng ACT-CIS na labanan ang kriminalidad at terorismo sa pamamagitan ng pagpasa ng batas sa Kongreso at pagsasagawa ng mga programang pangkomunidad na humihikayat sa mga mamamayan na lumahok sa mga anti-crime at anti-terrorism drive ng pamahalaan.
Naniniwala si Pagdilao na baka-sakaling sa pamamagitan ng ACT-CIS, lalo pang mapatitibay ang pagtutulungan ng mga mamamayan at ng lokal na pamahalaan laban sa terorismo at maging sa mga aktibidad ng makakaliwang armadong grupo sa lugar. (ITUTULOY)