SA darating na Agosto 1, mahigpit nang ipatutupad ng Department of Public Order and Safety – Tricycle Regulatory Unit (DPOS-TRU) ng Quezon City ang Ordinance Adopting the Quezon City Tricycle Management Code of 2014.
Sa ordinansang ito, istrikto nang huhulihin ang lahat ng mga kolorum na tricycle na taga-Quezon City. Ayon nga sa hepe ng DPOS-TRU, ang mahuhuling kolorum na tricycle ay kukumpiskahin ang mga sidecar at pipitpitin at ang motor lang ang maibabalik sa may-ari pagkatapos nitong maglagak ng kaukulang penalty.
Kaya ang payo natin sa ating mga kasamang miyembro ng tatlong gulong, kung ang inyong tricycle ay kolorum ay huwag na muna ninyong ibiyahe dahil pursigido ang DPOS-TRU na ipatupad ang TMC ngayong darating na Agosto 1.
At kapag nagkataon ay hindi ito magugustuhan ng mga miyembro, lalo na ang mga bumibiyahe nang walang prangkisa.
Sa madaling salita ay mga kolorum na tricycle.
Tsk tsk tsk. Kung mayroong humigit-kumulang sa 60,000 kolorum na tricycle na bumibiyahe sa Quezon City, eh, malaking problema talaga ‘yan.
Kaya naman hangga’t maaga ay dapat itong ma solusyunan ni Mayor Herbert Bautista.
Sino nga ba ang dapat sisihin sa paglobo ng mga kolorum na tricycle sa lunsod Quezon kundi ang mismong local DPOS-TRU ba o mga presidente ng local TODA?
Sa ganang akin, parehong may kasalanan ang DPOS-TRU at ang mga presidente ng local TODA, sa kadahilanang ‘di nanghuhuli ng mga kolorum na bumibiyaheng tricycle ang DPOS-TRU.
Ang mga presidente naman ng TODA ay dapat ding sisihin dahil kung hindi sila pumayag na bumiyahe ang mga kolorum ay hindi mamasada ang mga ito kahit saan sa lungsod.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lamang po sa 09219787040 o 09369585862. LILY’S FILES/LILY REYES

