‘WALANG sikretong hindi nabubunyag.’ ‘Yan ang kasabihan na tumatama sa Bureau of Customs dahil sa nabuking na tong collection sa nasabing ahensya.
Marami ang nag-akala na ‘nabura’ na ang kaliwa’t kanang ‘lagayan’ sa BoC dahil sa pagkakatalaga ng Duterte administration kay Commissioner Nicanor Faeldon.
Dahil si Faeldon ay miyembro ng Magdalo na inakalang matino kaya marahil itinalaga ni Pangulong Duterte sa BoC na itinuturing na pinaka-corrupt na ahensya ng gobyerno.
Subalit sa pagpapatuloy ng Senate at House of Representatives inquiries sa P6.5-bilyong shabu noong Lunes (Agosto 7), ibinulgar ng broker na si Mark Taguba na nananatili ang korapsyon sa aduana.
Katunayan, pinangalanan ni Taguba ang mga ganid na opisyal ng BoC na umano’y komokolekta ng ‘tara’ o tong sa kanya at iba pang broker. Pinangalanan din ni Taguba ang isang tao na komokolekta raw ng ‘lagay’ para umano sa office of the Customs commissioner.
Ngayon pinangalanan na ni Taguba ang mga korap diyan sa BoC, baka sabihin na naman ni Faeldon “I will take responsibility for the action of my men.” Imbes na puro dakdak, makabubuting mag-resign ka na lang komisyoner kung nais mong mapanatili ang paghanga sa iyo ng sambayanan na iyong nililok bilang Magdalo soldier.
25 PASOK SA CANTADUANES SHABU LAB
Sinampahan na ng pulisya ng Region 5 ang 25 katao na umano’y sangkot sa nadiskubreng warehouse ng shabu sa probinsya ng Cantanduanes.
Dalawang anak ng dating governador na si Cely Wong na sina Jardin at Joseph ang pangunahing personalidad na iniuugnay sa natagpuang shabu lab noong nakaraang Nobyembre.
Kasama rin sa kinasuhan ang dating NBI director ng rehiyon na si Augusto Eric Isidoro, misis na si Angelicana at isang alkalde.
Subalit nilinaw ni Supt. Enrique Renoria, legal officer ng police Region 5 na wala sa charge sheet si incumbent Gov. Joseph Cua. Si Cua ay kasama sa listahan ni Pangulong Duterte sa mga LGU leader na umano’y drug protector, ngunit pinabulaanan ito ng gobernador.
Si Cua ay naupo noong Hulyo 1, 2016 bilang gobernador ng Catanduanes nang talunin nito si Gov. Cely Wong. CHOKEPOINT/BONG PADUA
