MARAMING bata ang hindi maibili ng kanilang mga magulang ng mga pangunahing gamit sa paaralan tulad ng bag, notebook, lapis at krayola dala ng kakapusan sa pera bunga ng kahirapan.
Sa halip na ibili ng gamit sa pag-aaral ng kanilang mga anak, ibinibili na lang ng mga magulang ng pagkain para sa buong pamilya. Bunga ito ng mababang sahod na nararanasan ng mga karaniwang obrero. Subalit meron pa rin namang nakabibili ng mga gamit sa paaralan, ‘yun lamang ay hindi sa mga pangunahing mall na dinarayo ang mga middle class at high class na kostumer. Bangketa ang takbuhan ng mga ito.
Pero ano itong sinasabi ng Ecowaste Coalition na kontaminado ng mapanganib na kemikal ang mga ibinebenta sa mga bangketa? Hindi rin daw ligtas sa shopping malls? Maaaring totoo kung ang malls ay tulad ng Divisoria at 168 na bagsakan ng mga produktong gawa sa China. Ano naman ang silbi ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Health (DOH) kung hahayaan na lang na manganib ang kalusugan ng mga bata kaugnay sa mga gamit sa paaralan na may mga kemikal na nakasasama sa kalusugan?
Hindi ba dapat ay ang mga ahensiya ng pamahalaan ang kumilos upang bigyang babala ang mga mamamayan at dapat ding umaksyon upang mapigilan ang pagkalat ng mga panindang may hindi magandang dulot sa mga mamimili at gumagamit nito? Huwag namang hayaan ng pamahalaan na maraming mga bata na ang naapektuhan ng mga nagkalat na murang gamit sa paaralan bago kumilos.
Bigyang babala rin sana ng pamahalaan ang ilang organisasyon at grupo na namamahagi ng mga murang gamit sa paaralan sa ilang bata sa mahihirap na pamayanan. Maganda ang layunin ng ilang grupo subalit kung hindi maganda ang epekto nito ay natatalo ang kanilang layunin kaya naman dapat lang na kumilos ang pamahalaan. Hihintayin pa ba na may mangyaring mabigat sa mga nakabili o nabigyan bago kumilos ang gobyerno?
Sabagay, nakasanayan na ng mga opisyal at tauhan ng pamahalaan na kikilos lang kapag malala na ang sitwasyon.