NAKAPANLULUMO ang mga natuklasan ng ilang kasapi ng Kamara hinggil sa rehabilitasyon ng mga naging biktima ng bagyong Yolanda at masasabi nating biktima na nga sila pero biniktima ulit.
Sobrang kawawa sila sapagkat sa halip na totoong tulungan ay pinagkaperahan pa ng maraming magagaling’ nating opisyales at ilang pribadong indibidwal at grupo ang kanilang kalagayan.
Matatandaan na matinding sinalanta ng bagyong Yolanda ang maraming bahagi ng bansa noong 2013, partikular ang rehiyon ng Silangang Kabisayaan, kung saan ay libo-libong tao ang nasawi at marami pa ang nawawala ngayon.
Maliban sa mga nasirang buhay ay daan-daang bilyong halaga rin ng mga ari-arian at napakaraming kabahayan ang sinira ng nasabing bagyo.
At sa pagsisiyasat nga ng mga kasapi ng komite ng House housing and urban development ay nanlumo sila sa kanilang natuklasang iskam.
Sapagkat sa kabila ng dang bilyong pisong halaga na inilaan ng pamahalaan para sa pabahay ng mga biktima ay tila wala pa sa 10 porsiyento ng proyekto ang nagagawa pagkaraan ng mahigit tatlong taon.
Hindi lamang iyon, sapagkat natuklasan din nila na hindi sumunod sa specifications at substandard ang mga materyales na ginamit sa pagtatayo ng mga bahay ng mga biktima.
Sabi nga ni Leyte Rep. Ching Veloso ay mas masahol pa sa mga kulungan ng baboy ang ginawang housing project at dahil substandard nga ang mga material at hindi rin maayos ang pundasyon at tiyak na kapahamakan ang nag-aantay sa mga titira roon.
Sa katunayan nga, sa isang ocular inspection na ginawa roon ay nakita nilang sira-sira na ang mga istruktura at giba na ang pundasyon ng ilang units buti na lang at wala pang nakatira roon.
Anak ng bakang may kulugo naman talaga! Kung totoo ang sinasabi ng mga kongresista ay talagang walang puso ang mga taong nasa likod ng raket na ito.
Madalang nating papurihan ang mga kongresista sapagkat karamihan sa ginagawa nila ay puro pamumulitika at grandstanding lamang sa halip na totohanang protektahan ang interes ng mga mamamayan.
Pero ngayon ay sinusuportahan ko sila sa pagsisiyasat na kanilang ginagawa para tiyaking napupunta sa maayos ang daan-daang bilyong pondong inilaan para sa mga biktima ng Yolanda.
Suportado ko rin sila sa kanilang planong pagsasama ng kasong plunder sa ilang tauhan ng NHA at iba pang pribadong indibidwal na sangkot sa katiwaliang ito.
Sana nga lang ay totohanin ng mga kongresista natin ang kanilang ginagawa at tiyakin nila na mapaparusahan ang lahat ng may sala kaugnay ng scam na ito. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO