HINDI raw dapat lambutin ang puso ng isang mamumuno sa Department of Interior Local Government (DILG) gaya ni Sec. Eduardo Año.
Dapat daw, ayon kay Dangerous Drugs Board (DDB) Chairperson Dionisio Santiago, ay siga-siga o matapang ang ipakita niya para nga naman madisiplina niya ang mga barangay official, lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga.
Ito ang tahasang sinabi ni DDB Chairperson Santiago kung sakaling si Gen. Año na nga ang magiging DILG secretary.
Hindi pwede rito ang ayaw na may kagalit dahil ‘pag nagkataon ay riyan daw tayo mamomroblema.
Tama nga naman si Santiago na hindi pupwedeng malamya ang isang kalihim ng DILG.
Hindi rin pupwedeng ayaw niyang may mga makakagalit siya sa trabaho dahil sa ayaw at sa gusto niya ay siguradong may makakagalit siya sa pagpapatupad niya ng kanyang tungkulin.
Ang pag-ako kasi ng isang trabaho, lalo pa’t may kinalaman sa pagsugpo sa iligal na droga ay kailangang dala mo ang “bayag” mo at hindi pupwede rito na may mas matapang pa sa iyo. Ang kailangan dito ay ikaw lang ang pinakamatapang kung gusto mong magtagumpay ang ‘yong trabaho.
Hindi naman sa tinatawaran natin ang kakayahan ni incoming DILG Sec. Año sa bagong mundo na papasukin niya. Ang atin lang ay pinaaalalahanan lamang natin siya na iba ang mundo sa pakikipagsapalaran sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas sa mundo sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng Pilipinas.
Kailangan dito ay wala kang sisinuhin, anak mo man o kapatid, kumpare o kaibigan. Basta’t lumabag sa batas, dapat ay pantay-pantay para ‘yung isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na “Change is Coming” ay makita ng milyong-milyong Filipino na nagmamatyag….
Kaya mo ba ‘yan, ha, Gen. Año? Hehehe.
SUPT. SEGUN, GILAS MUNA BAGO PADULAS
Yaman din lang na si Supt. William Segun na ang bagong provincial director ng Cavite, dapat ay magpakita na muna siya ng gilas bago ang pagtanggap ng padulas sa mga pwesto pijo ng pasaklaan nina Alwin at Zaldy Combat na matagal nang nag-oopereyt ngunit ni hindi man lamang ipinahuhuli ng dating PD.
Ngayong si Supt. Segun na ang PD, kaya ba niyang mapatigil ito nang hindi siya tatanggap ng lagay sa nasabing saklaan?
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 0922719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
