MAGANDANG balita para sa mga pulis ng Quezon City.
Habang inaayos pa ng PNP ang pondo para sa planong pag-acquire ng body cameras, angpamahalaang lungsod ng Quezon ay bumili na ng 800 body camera para sa mga miyembro ng Quezon City Police District.
Ang pagbili ng body cams ay isa sa isinusulong na programa ni C/Supt. Guillermo Eleazar para sa pagpapalakas ng QCPD sa mga isinasagawang anti-crime operations, partikular sa drug war on drugs.
Ayon kay Gen. Eleazar, malinis ang hangarin ng kanyang pamunuan sa pagsasaganap sa kanilang tungkulin kaya pinapaburan ang pagsusuot ng body cams ang mga pulis-QC sa gagawing crime operations.
Kapag may mga suot na body cams, tiyak na maiiwasan, aniya ang pag-aabuso ng mga pulis sa kanilang tungkulin.
Samantala, tuloy ang ‘Opan Bakal’ operation na isasagawa ng QCPD sa mga establisemyento, partikular sa mga entertainment place gaya ng night clubs, disco at pub houses na nagkalat pa rin sa lungsod.
Ang mga pulis ay papasok sa mga club at bar para inspeksyunin kung may mga nagdadala ng baril o deadly weapon para masiguro ang seguridad ng mga kustomer.
Sa Oplan Bakal, may guidelines na nakalatagna dapat gawin. Sa pagsipat, kailangan nakabukas ang ilaw at plainview lamang ang pagsipat at hindi rin obligado ang pagkapkap.
Pero pwede naman silang pakiusapan ng mga pulis na makapkapan. Gayunman, kung tumanggi ang mga ito ay dapat irespeto raw ng mga pulis.
Nauunawaan ni Eleazar na ang mga tao ay pumapasok sa pub o bar upang uminom ng alak at magsaya o kaya’y para makalimot sa problema.
Pero dapat isipin din ng tao na kapag ang isang kostumer ay nalasing at nagwala ay mapanganib para sa lahat kung may dala itong baril o panaksak.
Sa madaling sabi, sa halip na katakutan ang Oplan Bakal dapat na matuwa pa ang tao dahil pinoproteksyunan lang ang kanilang mga buhay sa mga may maitim na balak.
Kabilang din sa mga programa ni Gen. Eleazar ang neuro-psychiatric test sa 300 na pulis na bahagi ng anti-drug unit ng QCPD na ‘di kalaunan ang test ay sasakop na rin sa buong pulis-Quezon City. Inuna muna ang nasa anti-drug operation.
Bagama’t sumailalim na ang mga pulis sa sinasabing neuropsychiatric test noong aplikante pa ang mga ito, siyempre nagsisiguro lang ang nasabing heneral para sa kaligtasan ng mga mamamayan. CHOKEPOINT/BONG PADUA