ILANG ulit nang napatunayan sa Pilipinas na may ibubuga ang kababaihan laban sa kalalakihan sa anomang larangan, lalo na sa pulitika.
Kaya, nakapagtatakang ang pulpol na pinuno ng Senado na si Aquilino Pimentel III ay panay kalalakihan ang sinama sa listahan ng kanyang patatakbuhing kandidato ng administrasyong Duterte sa Senado para sa eleksyong 2019.
Kung malakas, mananalo, at tunay na susuporta nang todo kay Pangulong Rodrigo Duterte, bakit hindi pinili sina Davao City Sara Duterte, Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Senadora Cyntia Villar?
Malamang umangal at magalit ang dilawan sa Badilla Ngayon sa pagsama ko kay Sara dahil posibleng sabihin nila na porke anak ng Pangulong Rodrigo Duterte ay tatakbo nang senador.
Para sa kaalaman ng dilawan at mamamayang Filipino, si Sara ay may sariling desisyon at paninindigan bilang lingkod-bayan.
Halimbawa, nang maging alkalde si Sara nitong 2016 ay pinawalambisa niya ang kontrata ng Pamahalaang Lungsod ng Davao sa isang coal mining company nang malaman niyang ang nasabing kompanya ay kukuha ng mga kahoy sa Mount Apo para maging uling.
Kahit Pangulo na ang kanyang ama, hindi nagdalawang isip si Sara na ibasura ang kontratang nilagdaan ng kanyang ama noong alkalde pa ito.
Hindi naman matatawaran ang paglilingkod at walang tigil na pagsuporta ni Imee sa mga Ilokano at sa milyon-milyong overseas Filipino worker.
Palaging nasa unahan ng adyenda ni Imee ang interes at ikabubuti ng mga Ilokano at OFW.
Kababaihan, magsasaka, at mga walang trabaho naman ang mga balon ng pinagsisilbihan ni Villar.
Kaya, kung magiging senador silang tatlo, isama pa ang mga re-electionist na sina Grace Poe at Nancy Binay at mga beterang broadcast journalist na sina Karen Davila ng ABS-CBN at Jessica Sojo ng GMA – 7, pihadong makabuluhan at makasaysayan ang Senado mula 2019 – 2025.
Kailangan ang “Puwersa ng Kababaihan sa 2019” sa Senado para makapagpasa ito ng higit na makabuluhang mga panukalang batas.
Mas mainam pa nga kung ang magiging Pangulo ng Senado ay babae dahil wala pang babaeng naging Pangulo ng Senado. Tiyak dadaigin at mauungusan ang mga nagawa ni Pimentel kung mayroon man.
Kung panay lalaki ang magiging senador, tapos pawang mga dilawan pa tulad nang gustong maganap ni Pimentel, tiyak madadagdagan ang mga kakampi nina Franklin Drilon, Francis Pangilinan at Riza Hontiveros.
Kaya, sa pwersa ng kababaihan tayo sa eleksyong 2019. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA


