DAHIL sa pagpatay sa isa nilang driver, nagpanukala na ang pamunuan ng Grab ng “No ID, No Entry” policy sa kanilang operasyon.
Bahagi ito ng “know your customer” muna bago sakay upang big-yan ng seguridad ang TNVS dri-vers. Bahagi rin ng polisiya na pangalagaan ang buhay ‘di lang ang kanilang pasahero kundi pati ang drivers nito.
Ayaw na nating maulit ang nangyari kay Gerardo Maquidato. Ibig-sabihin, bago isakay ng driver ang nag-book na pasahero, maaari nitong hingin na magpakita muna ng ID ang pasahero, lalo ‘pag may duda rito.
Hindi naman tatangihan ng Grab ang pasahero ‘pag walang mapakitang ID pero maaari nitong tanggihan kung sa palagay ng driver ay may panganib ito sa kanya. Sa ngayon, walang ganitong polisiya ang LTFRB.
Violation ba ito kung idaraan naman sa polisiya ng refusal to convey, ‘yung pagtanggi nga sa pasahero? Pero ‘di ba maging taxi drivers o jeepney drivers ay biktima rin ng holdap?
Ang mungkahi ni Jun Magno ng Stop and Go Coalition, dapat na ibalik ang dating sistema sa TNVS na credit card lang ang gagamitin at walang cash transaction.
Ang original concept kasi ng Uber noon ay credit card lang ang paraan ng pagbabayad sa TNVS pero niluwagan ito ng LTFRB para ang walang credit card ay maaaring makasakay.
Marahil ito ang unang itanong sa mga pasahero – cash ba or credit card. ‘Pag credit card, para na ring nagpakita ng ID ang pasahero at dapat nang isakay agad.
Ang polisiya ng LTFRB ay ang driver ang dapat mag-display ng ID.
Pero mahirap kung pati pasahero ay i-require ito! Isang depensa sa refusal to convey passenger ay may palagay ang driver na malalagay sa panganib ang kanyang buhay sa pasahero.
Halimbawa, justified na tanggihan ng driver ang mga lasing na pasahero o nagpapahatid sa liblib na lugar.
Dito dapat magkaroon ng polisiya upang mabigyan din ng protection ang drivers laban sa mga pasaherong may masamang hangarin.
Maselan ang usaping ito dahil magkakaroon ng katwiran ang driver na tumangging magsakay, pero marami na rin ang biktima ng mga karumal-dumal krimen kaya dapat nang bigyan ng tutok na pansin ang isyu.
Ang ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno at ng operator at commuters group ay mahalaga at napapanahon na upang masolba ang krimen sa kalsada. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON