ANG taumbayan ang siyang may malaking pakinabang kung anoman ang kahihinatnan ng pag-uusap ng mga lider sa 31st ASEAN Summit na inisponsoran ng ating bansa sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duerte.
Ito ang paniniyak mismo ng Malakanyang sa taumbayan (aba’y dapat tayong matuwa).
Ayon kay Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar, dahil ang Pilipinas ang host at si Pang. Duterte naman ang chairman ng ASEAN ngayon, magagawa na nating mapalakas at mapadadali ang pagpapadala ng mga Filipinong manggagawa para magtrabaho sa ibayong dagat.
Hindi tulad sa mga nakaraang administrasyon na nakatutok lamang sa pang-ekonomiya ng bansa at kahit anong kayod ni Juan dela Cruz ay hirap pa rin ito sa buhay.
Bakit?
E kasi, kakapiranggot lang ang sinasahod ng mga manggagawa ganoong ang bilihin sa merkado ay ubod ng taas.
Kaya kahit magkandaka-kuba si Juan dela Cruz sa pagtatrabaho rito ay walang aasahan itong asenso mula sa bansa.
Kaya kailangan nating maging bukas sa lahat ng mga bansa, hindi lamang sa Asya kundi maging sa buong mundo sa pakikipagkaibigan gaya ng ginagawa ngayon ng gobyernong Duterte.
Sa pamamagitan nito, tutungo sa kaunlaran hindi lamang ang pamahalaan kundi maging ang ating mga mamamayan.
BAGUIO CITY MAY SUGALAN NA RIN
Aba, ‘yung sa puwesto pijo na pula’t puti at drop balls sa Carino St., Baguio City, eh, ang balita ko, hindi pa rin tinatanggal.
Hindi ko sinasabi na malaki ang “timbre” ni Baguio City Chief Of Police Supt. Ramil Seculles kaya nananatili pa ito.
Hindi ko lang alam kung kanino sa dalawang pasugalan na ‘yan ang kay Aling Josie o kay Mang Oldak na sinasabing kapwa taga-Nueva Ecija.
oOo
Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
