SA pasukan ngayong ikalawang semestre ng mga kolehiyo, may mga nagtatanong kung umiiral na ang libreng tuition fee gaya ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pirmahan niya ang batas para rito.
Ang masasabi natin ay sa susunod pang pasukan magkakaroon ng bisa ang batas.
Sa susunod na taon kasi magkakaroon ng pondo para rito dahil maglalaan na ang gobyerno sa pamamagitan ng batas para sa pambansang badyet.
Pero batay rin sa sinasabi ng mga awtoridad, mayroon nang libreng tuition fee sa ilang piling kolehiyo o unibersidad.
Nagmula ito sa P8-bilyong muntik nang balasahin ng ilang kongresman para maging pork barrel nila.
Mabuti’t nasilip at naharang ang pondo sa Senado, lalo na ni Senador Ping Lacson.
Pero kung magtanong kayo sa mga unibersidad o kolehiyo na nakatayo sa inyong mga lugar, may mga matagal nang hindi naniningil ng tuition fee.
At tanging ang mga miscellaneous fee lang ang sinisingil ng mga ito.
Kung hindi tayo nagkakamali, kasama sa state universities and colleges na nagpapatupad ng libreng tuition fee ngunit naniningil ng miscellaneous fee ang Mindanao State University at Cagayan State University.
Paliwanag ng isang taga-CSU na ayaw magpabanggit ng pangalan, eh, kasinglaki halos ng tuition fee ang sinisingil nilang miscellaneous fee.
Libo-libo rin umano ang miscellaneous fee pero magaan na rin ang pag-aaral sa kanila dahil wala ngang tuition fee.
Eh, sa iba raw, mabigat talaga ng pagkokolehiyo dahil sabay na sinisingil ang tuition fee at miscellaneous fee, bukod pa ang mga tinatawag nilang incidentals gaya ng mga educational tour at pa-project ng mga mabibisyong propesor.
Ang mga nagtatanong ay nalaman nating mga working student o maliliit ang kita ng mga pamilya gaya ng mga obrero, vendor at magsasaka.
Ang maganda sa kanilang pagtatanong ay palatandaan iyon ng kagustuhan ng mga magulang at ng mga anak na makatapos ng kolehiyo.
Sabi pa nga nila sa atin, mas maganda pa ring makatapos sila ng apat na taon o limang taong kurso dahil mas maganda umano ang kanilang tyansa sa empleyo kumpara sa vocational at technical na 1-2 taon lang.
Pero ang masasabi natin, mag-aral nang husto ang mga gustong magkolehiyo sa mga SUC dahil daraan sila sa masusing mga eksamen.
Sakali namang babagsak sila, magpatulong sila sa mga awtoridad kung paano makapasok at makapagtapos ng apat na taong kurso.
Tiyak na ‘di sila mabibigo. PAKUROT/LEA BOTONES

