PANAHON nang huwag idawit ang Korte Suprema sa partisan politics na wala namang kinalalaman ang mga mahistrado na nagtatrabaho lang ayon sa batas.
Sa akin, walang batayan ang kaso para patalsikin si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Sa inihaing kaso ni Atty. Larry Gadon sa Kamara, tila ang may gawa nito ay mga indibiduwal na ayaw lang kay CJ Sereno.
Ang mga akusasyon ni Gadon ay walang batayan (malabnaw) at nagpapatunay lang na wala siyang alam sa batas, lalo na sa itinakda ng Konstitusyon na mga batayan ng impeachment. ‘Wag sanang paglaruan ang Saligang Batas.
Kung ang impeachment man ang huling baraha ng gobyerno para sibakin ang isang opisyal, dapat na napatunayang nakagawa ito ng tahasang paglabag sa Konstitusyon o pagkakanulo ng tiwala ng publiko.
Sa kaso ni Sereno, walang batayan para patalsikin ang ale sa pwesto dahil tumanggi ang kapwa niya mahistrado na si Associate Justice Teresita Leonardo de Castro na tumestigo laban sa kanya.
Patunay ito na hindi galing sa kanya ang isang impormasyon na pinalabas naman sa pahayagan. Walang TIBAY o PATUNAY na magpapabigat sa alegasyon ni Gadon.
Dapat ay tuldukan na ang moro-moro sa Kamara sa impeachment. Ang pagtuligsa ng mga kongresista kay Sereno dapat na wakasan na dahil walang karapatan ang sinoman na sirain o bastusin ang Korte Suprema sa harap mismo ng publiko (mahiya naman kayo).
Kailangan ay igalang ang SC bilang sandigan. Ang kasarinlan ng SC ay dapat panatilihin at proteksyunan para maigawad ang katarungan sa bawat desisyon nito.
Dahil sa pagiging bulag ng mga kongresista na naniniwala sa mga mali-maling paratang ni Gadon, mistulang kinakawawa ang bayan at hindi dapat na yanigin at sirain ang prinsipyo ng “separation of powers.”
Ang ehekutibo ay dapat manatiling indipendiyente sa anomang impluwensya ng lehislatura, gayundin ang Kongreso ay dapat indipendiyente sa sangay ng ehekutibo at hudikatura.
Kailangan na ang hudikatura ay pinoprotektahan sa lahat ng oras, lalo na ng Pangulo ng bansa at mga pinuno ng dalawang Kongreso.
Hayaan nating umusad ang demokrasya, huwag nating hadlangan ito.
Leave the Supreme Court Alone!
PAIHI NG CHEMICAL PAINT SA MAKILING
PAIHI ng mga chemical ng pintura ni Roy King sa Makiling,Laguna ay patuloy pa rin daw na nag-ooperate dahil sa hindi kumikilos ang kapulisan ng nasabing bayan.
Pakuyakoy-kuyakoy lang sa kampo si Laguna PD Supt. Cirilo Ison kaya walang aksyon.
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA
