PINAHINTO na ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista.
Nagbababala na rin siya na ipaaaresto niya ang mga National Democratic Front consultant na pinalaya ng pamahalaan para makasali sa peace talks.
Pero sa gitna ng lahat ng ito, hindi siya katulad ng ibang mga lider na kaiba ang mga ginagawa.
Gaya na lang ng pang-aaresto nang biglalan sa gusto nilang maaresto.
Pinakasampol dito ang mga pangyayari noong panahon ni ex-President Ferdie Marcos.
Bago pa niya ideklara ang martial law, marami na ang naaresto, ayon sa mga saksi.
HINDI NANINIBAK
Hindi rin basta naninibak ang Pangulo kahit sa mga kilalang lider ng kaliwa na nasa loob ng kanyang administrasyon.
Naririyan pa rin sina Liza Maza na convenor ng National Anti-Poverty Commission, Labor Undersecretary Joel Maglungsod at Presidential Commission for the Urban Poor Chairman Atty. Terry Ridon.
Ito’y sa kabila ng mga patutsada ng mga dilawan na sibakin ang mga ito para magmukhang may bitak na ang administrasyon ni Pang. Digong.
Tama nga naman ang paniniwalang usapin ng kumpiyansa ang pinag-uusapan sa pag-upo ng isang presidential appointee.
Habang may kumpiyansa pa ang Pangulo sa mga makakaliwang grupo, mananatili sila sa puwesto.
Ang hinahanap naman kasi ng Pangulo ay mga hindi korap, seryoso sa trabaho at mapagmahal sa bayan. At hindi ang mga sipsip, korap at mandarambong.
HABA NG PISI
On and off ang posisyon ng Pangulo sa mga rebelde.
Kaiba talaga ang posisyon ng Pangulo sa pinaggagawa ng ibang mga Pangulo.
Nakita na natin kung paano minsan lang nagbigay ng isang pagkakataon ang ibang mga Pangulo sa mga rebelde na makipagkasundo.
Ilang beses na ngang nagbigay ng Pangulo sa mga rebelde ng pagkakataon na makipag-usap?
Wala ring nagsasabing Pangulo na kapag may bumaba at pumunta sa mga kampo ng militar ang isang nagugutom na NPA, dapat hainan ito ng mga sundalo ng pagkain.
Naririyan din ang pamimigay ng todo na suporta sa mga sumusurender na NPA.
Kabuhayan, sariling pamamahay at iba pa.
Hindi rin binabawi ng Pangulo ang bigay nitong pabahay sa mga miyembro ng Kadamay na klarong suporter ng mga rebelde.
Napakalalim talaga ang kagustuhan ng Pangulo na hangga’t maaari ay tapusin na ang kaguluhan sa pagitan ng mga rebelde at mga sundalo at magsimula nang magkaisa ang lahat at magtulong-tulong na ibangon o iusad ang buong bayan sa pagbabago at pag-unlad.
NASA MGA REBELDE
Sa ipinakikita ng administrasyon ng Duterte, nasa mga rebelde na ang pagpapakita ng katapatan at pagkilos tungo sa usapang pangkapayapaan.
Dapat na magtugma ang kagustuhan ng maraming negosyador ng National Democratic Front para sa usapang pangkapayapaan sa ginagawa ng mga armadong pwersa nilang New People’s Army.
KAGUSTUHAN NG BAYAN
Subukin ng mga rebelde ang makinig sa higit na nakararami at malalaman nilang gustong-gusto ng nasabing higi na nakararami na magkasundo-sundo na ang mga nasa pamahalaan at nasa rebelyon.
Nalalaman natin ito sa maraming kamag-anak ng mga sundalo, pulis at NPA na ating nakakausap.
Maging sa hanay ng mga walang kamag-anak sa mga naglalabanang puwersa, nakararami rin ang may gustong mag-usap na nang paupo ang magkabilang panig.
May mga mangilan-ngilan lang na talagang ayaw at kinabibilangan ng mga ito ang mga ayaw mabago ang mga pagnenegosyo at paghawak sa pamahalaan.
Lalo na ang mga may hawak ng mga malalaking negosyo na maaapektuhan nang husto kung paiiralin na ang mga napagkakasunduang pantay at makatarungang relasyon ng mga kapitalista, panginoong maylupa at mga korap sa puwesto at mga obrero, magsasaka, empleyado at ordinaryo at mahihirap na mamamayan.
Kung bakit naman kasi na ang sistema ng lipunan natin ay kakaunti lang ang makapangyarihan at mayayaman at milyon-milyon ang walang kapangyarihan at lublob sa kahirapan.
NAKIKINIG ANG PANGULO
Sa kabila ng matibay na paninindigan ng Pangulo sa lahat ng bagay na lumilitaw sa kanyang landas, lumalabas din ang pakikinig nito sa mga boses ng mamamayan.
Napatunayan na ito sa maraming pagkakataon.
Kahit pa sa giyera sa droga na hindi siya gaanong kumbinsido na hindi makayanan ng maliit na ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng mabilis at malawak na giyera.
Tanong: Nasaan ngayon ang boses ng mga rebelde tungo sa usapang pangkapayapaan?
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@ yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA