BALIK-TANAW…
“Kahit anong mangyari sa’yo, ‘wag kang susuko maski madapa pa.”
Sa kanilang ika- 50 anibersayo sa industriya ng paglilitson, mapalad kong nakapanayam ang orihinal na may-ari ng pinakamasarap at tanyag na litson sa kapuluan, ang “Mila’s Lechon”.
Ngayon ay 86-anyos na siya ngunit malinaw pa rin sa kanyang ala-ala ang halagang “singkweta pesos” na kanilang ginamit, pinaikot-ikot, hanggang sa dumoble, lumago at narating ang nila tugatog ng tagumpay.
Tubong Batangas ang pamilya ni “Aling Nena” na sa totoong buhay ay si Antonina Ilagan. Bagama’t nakaluluwag sa buhay ang kanilang pamilya dahil negosyante rin ang kaniyang ama, hindi ito naging dahilan upang umasa na lamang na bibigyan sya ng puhunan pang negosyo. Tumayo si Aling Nena sa sariling mga paa at ginamit ang lakas ng bisig sa pagtitinda ng iba’t-ibang mga produkto.
Noong nakilala at nakaisang-dibdib niya si Serafin Cesariona noon ay isang mensahero, mas nagpunyagi sila upang maitaguyod ang kanilang mga supling. Limang anak ang biyaya sa kanila, ito ay sina Greg Cesario, Elizabeth Cesario-Renia, Benigno Cesario, Jolly Cesario-Salanguit at Milagros Cesario-Mendoza.
Noon paman, hindi na nakapagtataka ng pag-asenso ang patutunguhan ng kanilang pamilya dahil ilang beses man daw silang subukin ng pagkakataon, hindi sila napatitinag.
Kwento ni Aling Nena, maraming negosyo ang kanilang pinasok. Nariyang maglako ng nilaga ng mais, prutas, isda at magtayo ng isang maliit na tindahan. Ngunit tila hindi umaayon sa kanila ang pagkakataon. Subalit aniya’y, patuloy silang nag-isip kung ano nga baang ang papatok sa La Loma.
Hanggang sa pasukin nila ang pagtitinda ng litson. Matumal din daw ito noong una kaya naman kinakailangan din niya itong ilako para maubos. Bumilang pa ng ilang panahon bago unti-unting kagatin ng masa ang litson ni Aling Nena, kaya naman matinding sipag at tiyaga parin ang kanilang inilaan.
Taong 1966, ipinanganak ang bunso nilang si Milagros. Hindi nagtagal pikit-mata at lakas loob naman nilang binuksan ang kauna-unahang “Mila’s Lechon” sa La Loma taong 1967, dahil nakita nilang maganda ang potensyal nito sa lugar. Ipinangalan kay Milagros ang Mila’s Lechon dahil nakaugalian na ng mag-asawa na ipangalan sa kanilang mga anak ang lahat ng kanilang nagiging negosyo.
Ano nga ba nag narating ng Singkwenta pesos ni Aling Nena?…
“Narating ko na ang lahat”- masayang sinabi ni Aling Nena sa inyong lingkod.
Sa ngayon, mayroon na itong walong sangay sa lungsod ng Quezon. Maari narin silang mag-deliber sa mga probinsya ng Ilocos, Baguio at Quezon.
Ang iba pang serbisyo handog ng Mila’s Lechon.
Nariyan ang Catering Service at ang indoor/outdoor grilling na patok naman sa mga handaan.
Patuloy ang pagsisikap ng Mila’s Lechon upang mas maging katakamtakam ang kanilang mga putaheng na may lasang Pinoy, kaya naman sa mga susunod na panahon, kakaibang condiments o sawsawan ang ipatitikim nila. HILDA ONG
