KINONTRA ni dating Ms. Univers Pia Wurtzbach ang pagbubunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency na may Human Immuno-Virus ang isa sa mga nahuling nagse-sex orgy, gamit ang party drugs, sa isang hotel sa Bonifacio Global City kamakailan.
Ayon kay Pia, hindi umano dapat nag-anunsyo ang PDEA ukol dito dahil protektado ng batas ang may dala-dalang HIV-AIDS.
Ang batas sa HIV-AIDS ay ang Republic Act 8504.
NILALAMAN
Ayon sa batas, mga Bro, protektado nga ang mga may HIV-AIDs sa usapin ng privacy at diskriminasyon.
Sabi ng Section 2, paragrap 2 at 3 ng RA 8504:
(2) the right to privacy of individuals with HIV shall be guaranteed;
(3) discrimination, in all its forms and subtleties, against individuals with HIV or persons perceived or suspected of having HIV shall be considered inimical to individual and national interest;
Pero paano naman ang tungkulin ng estado na burahin ang HIV-AIDS at magbigay ng mahalagang impormasyon at edukasyon dito sa parehong seksyon ngunit sa paragraphs d at e:
(d) The State shall positively address and seek to eradicate conditions that aggravate the spread of HIV infection, including but not limited to, poverty, gender inequality, prostitution, marginalization, drug abuse and ignorance.
(e) The State shall recognize the potential role of affected individuals in propagating vital information and educational messages about HIV/AIDS and shall utilize their experience to warn the public about the disease?
KAUGNAY NG USAPIN
Nahuli sa iligal na droga at maaaring prostitusyon pa ang 11. Masasabi pa rin bang protektado ng batas ang may HIV?
Paano naman ang tungkulin ng estado na burahin ang lahat ng kondisyon sa paglala at paglaganap ng HIVdrug abuse, prostitution at ignorance?
Hindi ba bahagi rin ng “vital information and education” ang paghahayag ng pagkatao ang isang HIV positive na sangkot
‘Yun bang === huwag silang tularan?
Idagdag natin ang isa pang nilalaman ng RA 8504.
Section 34. Disclosure to sexual partners. – Any person with HIV is obliged to disclose his/her HIV status and health condition to his/her spouse or sexual partner at the earliest opportune time.
Nang sumali ba ang HIV positive sa posibleng “sex orgy” sa kanyang grupo, nagtapat ba siya na mayroon siyang HIV?
Ikaw na kritiko sa paglalantad ng PDEA na may HIV positive, paano kung mahawa ka sa pagpapanatili ng PDEA ng privacy ng isang may HIV?
Gusto mo ba?
SA KASONG RAPE
Sa RA 8353 o “The Anti-Rape Law of 1997” na ipinaloob bilang amyenda sa Revised Penal Code at sa ilalim ng Chapter 3 Rape at Article 266-B, nakasaad:
“(6) When the offender knows that he is afflicted with the Human Immuno-Deficiency Virus (HIV)/Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) or any other sexually transmissible disease and the virus or disease is transmitted to the victim”, parusang bitay ang naghihintay sa salarin.
Sa ngayon, hanggang reclusion perpetua o 20 years and one day to 40 years na kulong ang parusa dahil nabura na ang parusang bitay.
Tanong: Uubra pa kaya ang right to privacy ng may HIV rito?
Dagdag na tanong: Uubra rin ba ang right to privacy ng may HIV sa kasong droga?
Nagtatanong lang po ang ULTIMATUM at sana, you can educate me sa mga usaping ito.
PAANO ANG IBA?
Isang mahalagan usapin kung bakit nagtatanong ang ULTIMATUM, eh, ukol sa interes naman ng iba.
Kung may batas na nagtitiyak ng right to privacy ng may HIV-AIDS, paano naman ang karapatan ng iba na ayaw mahawa sa wala pang lunas at nakamamatay na sakit?
Paano kung hindi niya alam na may HIV-AIDS pala ang kanyang gustong maka-partner at nilabag ng may HIV-AIDS ang tadhana ng RA 8504 ukol sa pagtatapat niya na may sakit nga siyang HIV-AIDS?
At pinakasalan o nakipagtalik siya rito?
Hahayaan na lang ba nating maghalo ang balat sa tinalupan?
Paano kung nakatulong ang PDEA sa pagkilala sa may HIV para maputol na ang seksual na pakikipagrelasyon ng iba sa kanya?
Hindi ba mas mahalaga ito kaysa igiit na parang may mabigat ang karapatan sa privacy ng maysakit ng HIV?
Muli, pakitulungan po ninyo ako o ‘yung iba na umalam kung alin sa mga nilalaman ng batas ang higit na mahalaga o ano ang nararapat depende sa sitwasyon!
PAANO SA DROGA?
Sa pagbasa natin sa batas sa HIV-AIDS, tila walang sinasabi ng batas ukol sa ugnayan sa iligal na droga at nasabing sakit.
Ngayon ay may lumitaw na sitwasyon na ginagamit ang iligal na droga na pampalibog o pampagana sa gawaing kama.
Karaniwang hindi pinaiiral ang right to privacy sa mga balita sa iligal na droga.
Ngayon, kung kakambal ng iligal na droga ang pagpapalaganap ng HIV, lalo na kung intensyonal, papaano na ngayon ‘yang right to privacy?
Kung gagawa ka ng krimen gaya ng pagkakasangkot sa droga at inihahalo mo ito sa sex bilang mahalagang sangkap, protektado ka pa ba ng right to privacy?
Mungkahi natin sa mga mambabatas na linawin ang usaping ito at isama sa amyenda sa batas ng HIV-AIDS ang nararapat na batas.
Para sa ULTIMATUM, hindi pupwedeng manaig ang right to privacy kung may halo na itong iligal na droga.
Pero ang mga mambabatas na ang magpapasya rito.
oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
