ANG kabiguan ng mga partido politikal na magpanday ng malinaw na idolohiya na tatangkilikin ng taong bayan, bukod pa sa nararanasang matinding kahirapan, ang isa sa mga dahilan kung bakit nagsimulang iboto ng mga bobo at makasariling botante ang taong may sikat na apelyido o pamilyang kalahok sa halalan.
Kasabay ng pagiging mistulang brand ng mga apelyido ay naging baog ang mga partido pulitikal. Ito ang dahilan kaya kritikal ngayon ang name recall para sa mga kandidato. Imbes na ang partido at mga pinaniniwalaan nito ang maalala ay pangalan o apelyido ng mga kandidato ang kinikilala ng mga botante.
Kahit ano pa ang pagbibigay pugay ng mga kandidato ito o yung mga beteranong pul-politiko sa diumano ay kanilang “maka-prinsipyong pamamalakad” ay malinaw pa sa sikat ng araw na walang prinsipyo ang mga ito. Bukod dito marami pa sa kanila ay mapagsamantala at bobo. Mula Malacanang hanggang sa kongreso at mga konseho ng lungsod, bayan o barangay ay makikita ang mga tinutukoy kong pul-politiko.
Meron pa nga riyan na dahil sa sobrang kawalan ng alam at karanasan ay hindi lumalahok sa mga debateng bayan. Umaasa na lamang sa malawak na makinarya ng kanyang pamilya na nuno na ng yaman. Haay pag-nanalo ang kandidatong ito ay tiyak na tau-tauhan lamang siya ng kanyang pamilyang maambisyoso. Wala tayong maasahang pagbabago (kundi lalong kalumaan) sa mga katulad nito.
Sa totoo lang mas mahusay pa sa kanya sa paghawak ng tao si Rio Araja ng Quezon City Press Club. Si Rio na lang ang iboboto ko kahit wala sa balota ang pangalan niya.
* * *
ANG nararansang matinding kahirapan, na may palagay akong sinasadya ng mga nasa poder, ang isa pa sa mga dahilan kaya malakas ang mga kandidatong walang alam at karanasan pero nakahiga sa salapi. Papaano binibili nito ang boto sa pamamagitan ng tinatawag na dole out. Hindi na kailangang ipakita sa tao ang nalalaman basta naipapakita ang laman ng bulsa.
Syempre yung tao na nangangailangan kakapit sa patalim kaya makikisama sa bobo subalit mayamang kandidato. Binibigyan kasi ng mumo kaya nakukuha ang katapatan ng mga ito. Yan ang tinatawag na sistemang padron na pinaghusay ng mga gangster at mga pinunong pyudal nuong mga nagdaang panahon.
* * *
NAKIKI-USAP ako sa mgakandidato na wala namang kwalipikasyon kundi ang apelyido na umatras sa eleksyon ito alang-alang sa bayan. Nakiki-usap ako sa mga dinastiyang pulitikal na huwag nang magpatakbo ng kamag-anak at pagbigyan na lamang ang bayan namaka-pili ng tunay na lider. Nakiki-usap ako sa mga kandidato na pera lamang ang dala (at hanap) na huwag nang tumakbo para hindi masala-ula ang halalan. Nakiki-usap ako sa mga talunan na huwag nang maging makulit sa paulit-ulit nilang pagtakbo dahil ayaw sa inyo ng tao. At siyempre nakiki-usap ako sa mga botante na mag-isip.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.
