TAMA lang ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na suriin o iawdit ang mga kompanyang telepono ng bansa.
Dapat na noon pa ginawa ito sa mga nagdaang administrasyon dahil sa napakalaking anomalya na pinakamabagal ang internet sa Pilipinas ngunit isa ito sa pinakamahal sa buong mundo.
Nakapagtataka lang na hinayaan ang ganitong sitwasyon ng mga nakaraang administrasyon.
Ano bang mayroon sa mga ito?
TALAGANG MABAGAL
Ang Pilipinas ay may katamtaman umanong 5 megabits per second (mbps).
Pero ang totoo, 1 mbps lang ang halos ng nasa probinsya at nasa 3 mbps sa Metro Manila.
Ngayon na lang naaabot ang 5 mbps subalit nagdoble naman ang singil ng mga kompanyang telepono na Globe at Smart.
Heto ngayon ang bilis ng ibang bansa: Norway – 23.6 Mbps, Sweden – 22.8 Mbps, Hong Kong – 21.9 Mbps, Switzerland – 21.2 Mbps, Denmark –20.7 Mbps, Finland – 20.6 Mbps, Singapore – 20.2 Mbps, Japan 19.6 – Mbps at Netherlands –17.6 Mbps.
Pangalawa tayo sa India na may 5.6Mbps at ang pandaigdigang sukatan ay nasa Mbps.
PINAKAMAHAL SA ASYA
Pangalawa na nga sa bagal sa Asya, anak ng tokwa, ito pa ang pinakamahal.
Sa ngayon, ang pandaigdigang presyo ng internet sa bawat Mbp ay $5.21.
Pero ang Pinas?
Anak ng pitong putakte, $18.19 kada 1Mbps.
Bahala na kayong magkwenta, mga Bro, kung magkano ang babayaran ninyo kung aabot sa 2, 3, 4, 5Mbps ang ibibigay sa iyo.
Alalahanin na ang mga modem na ginagamit sa maraming lalawigan ay para sa 1Mbps lang.
Pero sa mga saklaw na ng Long Term Evolution-4th Generation, nasa 2-5Mbps na.
May anomalya pang malaki rito.
Sinasabi ng Globe at Smart na nasa 5Mbps ang bigay sa iyo pero ang totoo, batay sa reklamo ng maraming gumagamit, hanggang 3Mbps lang ang sa kanila.
Tapos binabayaran mo ang kulang na Mbps nang napakamahal?
Noong 2014, kabilang sa top 10 corporations ang Smart at Globe sa rekord ng Bureau of Internal Revenue.
Nagbayad ang Smart ng buwis na P9.45 bilyon habang P4.74 bilyon naman ang Globe.
Ang Smart at Philippine Long Distance Telephone Company ay laging nasa top 10 corporations ng Pinas.
Sinasabi naman ng Globe mismo na nasa top 15 ito sa top 1,000 corporations.
Mayroon itong 65.8 milyong mobile subscriber,3.5 milyong broadband subscriber at 859,000 landline subscriber.
Ang Smart naman ay may 61.8 milyong mobile subscriber habang may 3.8 milyong subscriber sa broadband.
Lahat ng ito ay biktima ng mabagal na internet at napakamahal ding internet.
Hindi nakapagtatakang pumapasok ang mga ito sa top 20 o 100 pinakamalalaking korporasyon sa Pinas.
MANDARAYA?
Ang audit o pagsusuri ng mga kompanyang ito ang nais na gawin ng pamahalaan.
Mga pribadong kompanya ang mga ito at maaaring kokontrahin nila ang aksyon ng Pangulo.
Maaaring magkakaso rito.
Pero, mga Bro, paano naman ang interes ng bayan, ng milyon-milyong mga biktima ng Globe at Smart?
Eh, bilang ama ng bayan, ang pamahalaan o ang Pangulo ay dapat na ipagtanggol ang buong bayan sa mga mandaraya at mapagsamantala.
IBA PANG PROBLEMA
May mga nasosolb na na pandaraya ng mga hinayupak na kompanyang ito.
Maalala ba ninyo ang expiration ng call card?
Ang P100 ay 15 araw lang, P300 ay 30 days at P500 ay 75 days.
Ngayon ginawa nang isang taon lahat.
Magkano ang pinagdadaya sa atin ng mga kompanyang ito noon?
Pati nga si dating Senate President Mang Johnny Enrile ay ninakawan naman ng load.
Eh, ang daming ninakawan noon, mga Bro.
Ngayon lang sa panahon ni Pangulong Digong naaayos ang lahat ng ito.
Masasabi natin na halos wala nang expiration ang isang taong palugit para mapaso ang call card.
PANAHON NA TALAGA
Panahon na talagang itama ang mga malalaking mali at pandaraya sa taumbayan ng mga higanteng kompanyang ito.
At para mabawasan ang pakpak ng mga ito sa pagsasamantala, dapat na rin talagang itayo ang isa o dalawa o higit na maraming kalaban ng mga ito.
Pero hindi pupwedeng manatili sa kamay ng dalawang kompanyang ito ang lakas sa internet na LTE-4G na nagtitiyak ng mabilis na internet at tawag sa telepono.
Kaugnay nito, isusurender umano ng PLDT-Smart ang isang frequency para sa LTE-4G?
Dapat lang dahil wala ring silbi at magiging mabagal din internet at call kung hanggang 3G lang ang gagamitin na frequency ng mga bagong papasok na kompanya ng telepono.
Ang pamahalaan ang isang napakalaking biktima ng mga kompanyang ito dahil sa libo-libong opisina nito mula sa barangay hanggang sa Kamara, Senado, Supreme Court at Palasyo.
Dapat na rin nitong itayo ang national broadband nang pinakamabilis na paraan.
Alalahaning ang internet at telepono ay itinuturing nang isang napakahalagang sangkap sa pag-unlad ng buong bayan kaya naman hindi dapat na kontrolin lang ito ng iilang tao at dadalawang kompanya.