ANO nga ba ang operation tokhang o Oplan Tokhang?
Bakit hindi dapat matakot ang publiko sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police at ano ba ang ganda nito para sa mamamayan at bansa?
Isa-isang idinetalye ni QCPD Director Gen. Guillermo Eleazar ang anti-illegal drugs operation ng PNP. Aniya hindi operation tokhang ang tamang tawag dito kundi anti-drug operation na ang ibig sabihin ay “Project Double Barrel.”
Ang ‘tokhang’ ay isa sa dalawang barrel at ito ang lower barrel. “Tokhang” ang pagbisita sa mga bahay na itinuturo ng mga barangay na may mga nakatirang suspected pusher o user. Ang mga pulis na naaatasan sa operasyon dito ay unipormado habang bumibisita sa pamamahay ng mga suspected pusher o user para imbitahan ang mga ito na sumuko na para ma-rehab o kung ayaw man, ay tumigil na lang sila sa paggamit, lalo na sa pagbenta ng illegal na droga.
Sabi pa ni Eleazar, ‘yung pangalawang barrel naman ang upper barrel na anti-illegal drug operations pa rin. Ito ‘yung paghuli o pag-aresto sa mga pusher at user na ayaw tumigil sa pagda-drugs o pagbebenta ng droga. Buy-bust operation ang ginagawa ng mga undercover na pulis o pagseserve ng search warrant at pag-raid ng mga drug den. Sa pagse-serve ng warrants of arrest nagaganap ang patayan at sugatan kapag pumalag ang mga suspek at nagpaputok pa o nanlaban sa mga alagad ng batas.
Ang kahanga-hanga rito, mga pare ko, ay ang tiyaga at malasakit ni Gen. Eleazar na paulit-ulit na ipaliwanag ang “tokhang” at ang ganda nito dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga user at pusher na magbago. Mali kasi ang konsepto ng tao at pati nga ibang pulis mismo tungkol sa tokhang. Ngunit si Gen. Eleazar ay talagang pinagtitiyagaan niyang ipaabot at ipaliwanag sa publiko lalo’t flagship ito ‘di lang ng liderato ng PNP, kundi maging si Presidente Rodrigo Duterte.
Ibang klaseng leadership at kahanga-hanga ang ipinakikita rito, gaya kay Gen. Eleazar.
Hindi lang ‘yan, katunayan, dagdag pa ni Gen. Eleazar, dahil sa “tokhang” ay libo-libo ang boluntaryong sumusuko, magpapa-rehabilitate at magbagong-buhay.
PINAKAMALAKAS NA SUGALAN KAYA MALAKI ANG PAYOLA
Isang alyas Annie ang may pinakamalaking operasyon ng illegal na pasugalan gaya ng color games,drop balls at pula’t puti sa Brangay Platero, Biñan, Laguna na ang balita ko ay may weekly payola na tinatanggap daw si Biñan COP Supt.Reynante Ariza.
Totoo ba ito kernel? Kung totoo, kernel, nakahihiya kayo!
oOo
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA