EPEKTIBO nitong Enero 2018, sang-ayon sa PHILHEALTH Circular No. 2017-0024, ay tumaas na nang 0.25% ang buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation na buhat sa employed sector nito.
Basehan ang kita buhat Php 10,000.00 hanggang Php 40,000.00. Ibig-sabihin nito, kung ikaw ay kumikita ng Php 20,000.00 kada buwan, ang magiging monthly premium mo ay nasa Php 550.00 na paghahatian parin ng manggagawa at may-ari ng negosyo. Habang ang kasambahay na mababa sa Php 5,000.00 ang suweldo ay sasaguting buo ng kanyang amo sang-ayon sa Republic Act No. 10361 ngunit ang mas malaki ang kita ay may bahaging babayaran.
Nanatili naman sa halagang Php 2,400.00 ang kontribusyon ng mga land-based Overseas Filipino Workers (OFWs) na ayon sa datus ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), may 1.82-million.
Paliwanag ni Sec. Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) at chairman of the board ng PHILHEALTH, ang bahagyang pagtataas ng kontribusyon ay upang mapanatili ang sustenabilidad ng ahensiya na nagbibigay ng health insurance sa mahigit 100 milyong miyembro nito. Sa mga ito, 40-milyon ang nasa kategoryang indigent o sponsored member na pinaglaanan ng DOH ng Php 50-billion pondo para sa taong 2018.
Patuloy na lumalaki ang benefit packages na ipinagkakaloob ng PHILHEALTH sa mga miyembro nito.
Ayon kay Dr. Celestina De la Serna, president at chief executive officer ng ahensiya, aabot sa halagang Php 101 billion ang binayaran nila sa taong 2017 para sa mga serbisyong naipagkaloob ng mga akreditadong ospital at institusyon sa mga miyembro nito.
Pagseseguro ni secretary Duque, dahil sa karagdagang kontribusyon ay tumaas ang “actuarial solvency” ng PHILHEALTH mula apat na taon hanggang 8.5 taon pa.
Katulad ng ibinahagi ng inyong lingkod, maganda ang resulta ng kukunting pagtaas ng monthly premium, ang tanong ko lang naman, bakit tanging mga miyembro na nasa kategoryang indigent o sponsored lamang ang makikinabang sa libreng laboratory procedures gayung tiyak naman na magagamit din ang kontribusyon ng mga miyembro na nasa employed sector? Bagama’t naiintindihan natin ang pagsasaalang-alang sa mga mahihirap nating kababayan, punto lamang natin na dapat ang lahat ng miyembro, mahirap man o mayaman, ay parehas na makinabang sa benepisyo mula sa PHILHEALTH.
Isa ring katotohanan na pinipili ng marami nating mga kababayan ang hindi na lamang magpakonsulta sa doktor o espesyalista para sa masamang pakiramdam, hanggang sa punto na hindi na nito kayang tiisin ang nararamdaman. Kaya halos nasa malalang kondisyon na ang sakit na dapat sana’y naiwasan o agad na nagamot. Sa isang pag-aaral, lumalabas na ang halagang Php 4,000.00 para sa gastusing medikal ay itinuturing na malaking gastusin para sa isang pamilya.
Base sa ulat ng PhilHealth, may Php 50 billion pondo inilaan para sa indigent o sponsored members mula sa DOH. Hindi ba dapat maging bahagi rin ang lahat ng miyembro na nagbabayad ng buwanang kontribusyon? Nagtaas ang PhilHealth ng 0.25% buwanang kontribusyon sa employed sector nito pero hindi kasama sa libreng laboratory procedures. Hindi ba mali? HILDA ONG