SA dinami-rami ng mga lalaking tumatakbo sa Senado, isang babae pa ang naglakas-loob na labanan ang pang-aabuso ng New People’s Army (NPA) ngayong eleksyon.
Sa halip kasi na matakot, ipinagharap ni Risa Hontiveros ng Team PNoy ng reklamo sa Department of Justice (DoJ) ang ginagawang extortion ng NPA sa mga kandidato.
Partikular na tinutulan nitong si Hontiveros ang ginagawang mga checkpoint at pangongolekta ng permit-to-campaign ng NPA sa lahat ng mga kandidato na papasok sa tinatawag nilang red area o kontroladong lugar ng rebeldeng grupo.
Eh, bakit naman hinintay pa ng mga kandidatong lalaki si Hontiveros para labanan ang ginagawang pangongotong ng NPA?
Hindi kaya nagbibigay na rin sila ng pera kaya ang ibang mga senatoriable ay malayang nakapapasok sa mga lugar kung saan talamak ang paghahari ng NPA?
Tama lang ang sinabi nitong si dating Congressman Hontiveros na isang uri ng pang-aaabuso ang ginagawa ng NPA at kailangang kumilos ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para matigil na ang kahibangan ng mga rebelde.
Nakagugulat ang katapangang ipinakita nitong si Hontiveros.
Wala siyang pakialam kung ang mga legal front organization ng NPA ay mangampanya laban sa kanyang kandidatura.
Ang alam ni Hontiveros, mali ang ginagawa ng NPA at dapat lang kondenahin niya ito.
Sa ginawa ni Hontiveros, lalo lamang makakukuha ito ng simpatiya at boto sa taumbayan lalo na sa mga kanayunan kung saan patuloy ang paghahasik ng lagim ng mga NPA.
Laos na ang doktrinang inilalako ng NPA at hindi na ito epektibo sa masang Filipino.
Sa ginawang paglaban ni Hontiveros sa NPA, isang uri ito ng katapangang hindi nagawa ng mga kalalakihang kandidato at nag-aambisyong maging miyembro ng Senado.
Nasa taumbayan ang pagpapasya!