ISA sa mga masigasig na nagsusulong ng federal government system sa Pilipinas ay ang Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan o PDP Laban na siyang partidong pulitikal ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Para sa partido, panahon nang umunlad din ang ibayong bahagi ng bansa at hindi na lamang masentro sa Metropolitan Manila, Central Luzon at Southern Luzon na siyang bumubuo ng 62% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Isinusulong ng PDP Laban ang isang semi-presidential federal system kung saan direkta paring ihahalal ng mga mamamayan ang isang Pangulo na siyang tatayo bilang head of state, chief diplomat, at commander-in-chief ng hukbong sandatahan at kapulisan. Mananatiling makapangyarihan ang isang Pangulo nang sa gayun anila ay manatili siyang simbolo ng katatagan at pagkakaisa ng bansa, may kakayahang makipag-ugnayan sa mga powerful nations gaya ng Peoples Republic of China, United States of America, Russia, Japan, at marami pang iba, makapagdesisyon sa panahon ng anumang krisis na hinaharap o kakaharapin ng bansa, at tagapamagitan sa anumang political gridlock na posibleng maganap.
Mula sa mga ibinotong miyembro ng National Assembly ay pipili ng isang Prime Minister na siyang tatayo bilang head of government na siyang magpapatakbo ng pang-araw-araw na domestikong pangangailangan at ekonomiya katuwang ang kanyang bubuuing Gabinete. Mula sa botohan ng National Assembly, pormal siyang itatalaga ng Pangulo ng bansa sa kanyang posisyon.
Hindi gaya ng Pangulo na may fixed term na dapat tapusin at tanging impeachment proceedings o resignation lamang ang makapagpapaalis sa puwesto, bagamat may fixed term ang isang Prime Minister, puwede siyang kagyat na mapalitan kapag nawalan ng kumpiyansa sa kanyang liderato ang mayorya ng National Assembly.
Dalawang pamamahala ang makikita dito, ang federal government na may Pangulo at Prime Minister, at mga Regional Government na pamumunuan ng ihahalal na Governador. Sa posisyon ng PDP-Laban, dapat magkaroon ng labing-isang regional governments na bubuuin ng Northern Luzon (9.5 milyong populasyon, Tuguegarao City ang kapitolyo), Central Luzon (10 million, Tarlac City), Southern Tagalog (12.6 million, Tagaytay City), MINPAROM (Mindoro islands, Palawan at Romblon, 2.7 million, Mamburao), Bicol (4.7 million, Albay City), Eastern Visayas (4 million, Catbalogan City), Central Visayas (7.6 million, Toledo City), Western Visayas (7.1 million, Iloilo City), Northern Mindanao (8.9 million, Cagayan de Oro City), Southern Mindanao (7.6 million, Davao City), Bangsamoro (3.6 million, Marawi City), at ang Federal Administrative Region of Metro Manila (11.8 million).
Kabilang sa mga saklaw ng federal government ang national defense and security; foreign policy; currency, banking and monetary policy; international trading; at customs and national taxation. Ang regional government ay may responsibilidad sa pangkabuang kaunlaran ng kanyang nasasakop na mga bayan at lungsod; waste management; kalusugan ng mga mamamamayan; edukasyon at iba pang basikong mga serbisyo.
Bukas din ang panukala ng PDP-Laban sa pagkakaroon ng Senado na bawat federal regions ay maghahalal ng tatlo na kakatawan sa kanila habang ang mga kongresista na bubuo ng National Assembly ay kakatawan sa populasyon.
May iisang watawat, pambansang awit, pambansang mga simbolo, hukbong sandatahan, kapulisan, sistemang pang-edukasyon at iba pa sa ilalim ng federal system ng PDP-Laban. ANG INYONG LINGKOD/HILDA ONG
