MARAMING tao ang naghihinala pa rin na ang pagsasara ng Boracay simula sa Abril 26 ay para mabigyan ng daan ang konstruksyon sa isla ng 23-ektaryang casino ng Macau-based Galaxy Entertainment Group na nagkakahalaga ng $500 milyon.
Galit ang mga netizen dahil ang Boracay ay nirerespeto, hinahangaan at nangunguna sa “Best Islands in the World.” Dahil sa pagtatayo ng casino ay nagdududa ang mga kritiko sa sinseridad ng gobyerno na protektahan ang premyadong destinasyon.
Itinanggi ni President Duterte na may alam siya sa pagtatayo ng casino sa Boracay. Ang nakalilito ay ang larawan na inilabas umano ng Malacañang noong 2017 na nagpapakita kay Duterte sa isang meeting na kasama ang mga opisyal ng kompanyang Tsino na nasa likod ng planong casino.
Sa isang pulong balitaan ay nilinaw ni Duterte na “walang plano riyang casino-casino. Tama na iyan kasi sobra na. May casino rito, casino roon.” Pero ang binanggit ng Pangulo ay ang balaking i-consider ang Boracay bilang land reform area. Ibibigay raw niya ito sa mga magsasaka, sa mga Filipino muna.
Nangako si Duterte na maglalabas ng proklamasyon dahil ayon sa batas, ang malaking bahagi ng Boracay ay binubuo ng agricultural at forestland. Ang anim na buwang pagsasara ay paghahanda raw sa pagbabalik ng lupa sa mga tao na tunay na nangangailangan nito.
Pero ang 36,000 tao na mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng Boracay tulad ng mga vendor, bangkero, diving instructor at pati na empleyado ng hotel at restawran na pawang nagsisikap kumita para suportahan ang mga mahal sa buhay ay naguluhan sa pahayag ng Pangulo. Ano ang trabahong naghihintay sa kanila pagkalipas ng anim na buwan? At ano ang mangyayari sa turismo ng isla kung magiging agricultural land ito?
Ang Proclamation 1064 ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo ay nagtala na ang Boracay Island ay 400 ektarya ng reserved forestland at 628.96 ektarya ng agricultural land. Ang tanong ay puwede bang suportahan ng isla ang anomang uri ng pagsasaka?
Pero ibigay man ang Boracay sa mga magsasaka, may mga nagdududa sa panahon ng pagsasara ng isla dahil makasasabay nito ang konstruksyon ng higanteng casino. Mabago kaya nito ang isla at gawing paraiso ng mga sugarol, langit ng mga elitista at mabura ang reputasyon na dahilan kaya minahal ito ng mga turista sa buong mundo?
Saluduhan si Duterte sa pagpigil ng konstruksyon ng casino sa Boracay. Dapat siyang purihin dahil iniisip nito at ginagawang prayoridad ang mga Filipino sa kanyang mga plano. Salamat, Ginoong Pangulo. Ang Firing Line at ang mga Filipino ay umaasa sa iyong salita.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.