MASAHOL pa sa martial law ni dating Pangulong Marcos itong ginagawa ng Chief of Police ng Dipolog City na si Supt. Reynaldo Maclang.
Lahat ng mediamen na bumatikos sa kanya ay ginawan ng kaso at ikinulong.
Ang latest na ginawa ni Maclang ay nang pasukin sa loob ng Radio Station habang nagbo-broadcast si Rolando Tanquis at pwersahan itong bitbitin papunta sa kulungan!
Halos 12 oras na muna sa kulungan bago sinampahan ng kasong sedition at libel si Tanquis dahil sa pambabatikos nito sa hinayupak na si Maclang kaugnay sa lantarang mga pagpatay sa kanyang nasasakupang lugar.
Kinabukasan pa uli nakapagpiyansa si Tanquis.
Kaagad namang dumepensa si Western Mindanao Police Chief, C/Supt. Juanito Vano na walang mali sa ginawa ni Maclang dahil kung may complaint aniya ay sapat na ito para imbitahan ang akusado.
Tangnang imbitasyon na ‘yan, Gen. Vano, sapilitang kinuha mula sa announcer’s booth at ikinulong!
Ganyan ba kayo mag-imbita? Pag kayo ba ay iniimbitahan sa mga handaan, hindi ba’t magalang na kayo ay iniestima at pinalalamon? May imbitasyon bang sapilitan?
Higit a lahat, Gen. Vano, kung gustong linisin ng “utak martial law” na si Col. Maclang ang kanyang pangalan, bakit hindi muna inihanda ang kanyang affidavit at mga saksi at saka magsampa ng kaukulang kaso sa piskalya?
Na kung mailusot niya sa mabusising preliminary investigation, pagdating sa Judge at magdesisyon ito na magpalabas ng warrant of arrest ay saka pa lamang ninyo maaaring arestuhin ang akusado!
Ibig mong palabasin, Gen. Vano, ganyan ba ang alam mong batas na maaaring pasukin ng sinomang pulis ang isang mediaman at hablutin papunta sa kulungan at saka na lang sasampahan ng kaso?
Tinatawagan natin ang pansin ni PNP Chief, Director General Alan Purisima, dito sa kabulastugan ni Maclang na kaagad ipinagtanggol ni Gen. Vano. Baka lang sir pamarisan ito ng matitinong PNP Officials.
Nakaaalarma po, malay mo mayroon na palang mga bugok na opisyal sa PNP!
Hinahamon din natin, pare-koy, ang National Press Club, ALAM (Alab ng Mamamahayag), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at ang Alyansa ng Media at Showbiz. Dito tayo magkapit-bisig para kondenahin itong demonyong martial law na nagaganap sa Dipolog City!