PROBLEMA ang tone-toneladang basura sa kapaligiran na iniwan ng mga kandidato na walang pakundangang nagkalat ng kanilang mga poster sa kasagsagan ng election campaign.
Sa mga pader, poste, punongkahoy, sa mga dinding ng kabahayan at maging sa mga kawad ng kuryente, nakadikit at nakabalandra ang mga campaign material ng iba’t ibang kandidato.
Pagkatapos ng hahalan, ‘di na masilayan ang mga mukha ng mga kandidato, na tila, walang pakialam sa ginawang pagkakalat ng kanilang mga propaganda. Ang resulta – basura everywhere.
Ang nangyayaring ganito na pagkakalat sa panahon ng eleksyon at pagkatapos ay iniiwanan na lamang ng mga kandidato ang mga ginawang basura ay isang bagay na dapat bigyang-pansin ng gobyerno.
Kailangan sigurong pag-isipan ng mga mambabatas na bumalangkas o gumawa ng kaukulang batas na nag-uutos sa mga kandidato – nanalo man ito o natalo – na linisin ang kanilang ikinalat na basura.
Sa ganitong paraan kasi, magkakaroon ng disiplina ang lahat na magreresulta sa kaayusan ng kapaligiran kapag may batas laban sa pagdidikit at pagkakalat ng campaign materials tuwing eleksyon.
Ito’y bilang ayuda na rin sa Metro Manila Development Authority na kaisa-isang ahensyang nagpapakahirap sa paglilinis at pagtatapon ng mga iniwang basura ng mga kandidato.
Kung may pinaiiral na batas na tuwirang magbibigay parusa sa mga nagkakalat na kandidato, siguradong maiiwasan natin ang sobrang pagkakalat at magkakaroon ng disiplina ang mga election litter.
Sino kaya sa mga nagsiwaging magigiting na kongresista at senador ang mag-i-sponsor at gagawa ng batas na ito? Abangan natin.
PANGAKO NI MAYOR NATIVIDAD
Tapos na ang eleksyon at ang pangangako, ngayon nama’y isakatuparan ang mga ipinangako noong nakaraang kampanyahan.
Ang mga taga-Maunlad Village sa Malolos, Bulacan ay umaasa na ipasisimento ng nanalong si Mayor Christian Natividad ang kanilang sira-sirang kalye riyan sa kanilang lugar.
Mayor, ang iyong pangako ay nakatatak na sa kanilang kukote. Aksiyon na!