KAHIT Kahit araw-araw na ang topic natin sa ating kolum ay tungkol sa nakababahalang kaganapan sa krimen sa ating bansa, ito ay ating gagawin.
Dahil naniniwala tayo na baka sakali, sa pamamagitan ng pangungulit natin, magising ang lahat at kumilos laban sa lumalalang kriminalidad.
Sobra na ang kapalaluan ng mga masasamang-loob kaya ang lahat ay dapat kumilos para matigil na ang mga kriminal.
Ang laban sa mga halang ang kaluluwa ay hindi lamang laban ng awtoridad, kundi ito’y laban nating lahat bilang peace-loving-citizens.
Dahil kung hahayaan natin ang mga kriminal na maghasik nang maghasik ng kasamaan, aba’y kawawa ang kanilang nagiging mga biktima.
Kailangan lamang ay mag-isip ang mga awtoridad, partikular ang kapulisan, kung ano ang mga pamamaraan na dapat itapat sa mga kriminal.
Isang pamamaraan na dapat sigurong ikonsidera ni PNP Dir. Gen. Alan Purisima ay ang pagkakaroon ng police team laban sa riding-in- tandem.
Ang riding-in-tandem kasi ang nakikita nating matagumpay na nakagagawa ng krimen dahil sa paggamit ng motorsiklo sa kanilang pagtakas.
Ninety nine percent sa mga matatagumpay na ambush, holdap at insidente ng iba pang krimen ay kagagawan ng mga riding-in-tandem.
Kung siguro gawin nating seryoso ang paglaban sa krimen, walang dahilan para ‘di natin mabura ang halos araw-araw na insidente ng krimen.
Sa QCPD, isa sa tinututukan ay ang mga riding-in-tandem na sa tingin naman natin ay nagiging successful dahil sa pagkamatay ng ilang kriminal.
Noong linggo ay napatay ng mga tauhan ni Supt. Norberto Babagay, commander ng Station 11 ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Dahil sa ikinasang riding- in-tandem police team ng QCPD, unti-unting napipilay ang mga kriminal sa QC.
Again, ang ating pagbati kay QCPD director S/Supt. Richard Albano.
Ang ipinagtataka ko lang, sa kabila ng magagandang trabaho, hanggang ngayon ay ‘di pa nakukuha ni Col. Albano ang star.
