KASABAY halos ng paguumpisa ng klase, pumasok ang tag-ulan at kapag ganitong panahon ay parang inaasahan na natin ang mga pag-baha. Nakakalungkot isipin na sa tinagal-tagal ng panahon, imbes na masolusyunan ay parang pinaghahandaan na lang ang reaksyon natin pag bumabaha.
May report na lumabas na hindi raw talaga maiiwasan ang baha sa Metro Manila kapag tag-ulan. Kaya nga raw Tagalog ang tawag sa mga residente ng Kamaynilaan kasi hango sa salitang “taga-ilog” dahil maraming natural na mga ilog dito. Isa pa ay ang climate change na tinatawag na itinuturong dahilan kung bakit sa panahon ngayon ay sobra ang tindi kapag bumagsak ang ulan.
Pero hindi dahil dito ay isusuko na natin ang kampanya para labanan ang mga baha. Hindi lang naman ang Pilipinas ang may problema sa baha, marami ring mga bansa ang may parehong sakit ng ulo. Ang kaibahan lang siguro, tulad sa Singapore, ay matagal na pinagaaralan at agad naman na isinasakatuparan ang mga paraan para hindi na bumaha. Isa pa, ginagastusan talaga nila ang implementasyon ng solusyon.
Maging sa isyu ng baha, may sagot ang lahat ng problema. Pero totoong magastos at kailangan ng dedikasyon mula sa pamahalaan para sa epektibong gamot.
Halimbawa, sa pagpapa-implement ng mga flood control infrastructure, kailangan ang magandang plano at pera para ma-implement lalo pa dahil malaking halaga ang kailangan para mabili ang mga right of way para sa isang flood control dams halimbawa.
Malaki ang kailangan na budget para sa right of way lalo kung mga prime properties sa premier cities ang kailangang bilhin ng gobyerno mula sa mga pribadong may ari ng lupa para payagan nila ang pagtatayo ng mga makabagong imprastraktura para pagsugpo ng baha. Mahal oo, pero kung para naman sa matagalang ikabubuti ng lahat, bakit hindi.
Maraming ehemplo ang makukuha sa ibang bansa, gaya ulit sa Singapore kung saan gumawa sila mismo ng ilog para daanan ng baha at ialis ang tubig sa daan na makakapamuksa.
The post SA MGA TAGA-ILOG appeared first on Remate.
