SA aklat na “Inferno,” mariing tinutulan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pahayag ni Dan Brown na ang Manila ay maihahalintulad sa “gates of hell.”
Naisip ko, parekoy, bakit hindi na lang natin ayunan itong paniwala ni Brown?
Tingnan n’yo ang kaganapan at gandang maidudulot nito.
Tutal ay hindi natin maikakaila na sa biglaang ulan ay matinding baha ang nagaganap sa Kamaynilaan.
Na maging ang Malakanyang ay aminado na walang magagawa ngayon ang pamahalaan laban sa baha.
Dahil ang ipinangalandakan ni PNoy noong nakaraang taon na Master Flood Control project ay bibilang pa pala ng mga taon bago ito matupad.
Kung matutupad pa nga! Bwisit!
Balikan natin ang aklat ni Dan Brown.
Ibig kong sabihin, magagamit na bilang palusot nitong ating inutil na pamahalaan ang isyu ng impiyerno upang ma-justify ang malalang problema sa baha rito sa Kamaynilaan.
Biruin n’yo, parekoy, magkakaroon ng malaking utang na loob sa atin ang buong sansinukob.
Dahil ang kinatatakutang “apoy” sa impiyerno na siyang lilitson sa lahat ng makasalanan ay hindi na pala magaganap!
Eh, paanong magkakaroon ng apoy sa impiyerno kung ngayon pa lang ay sandamakmak na baha na ang ibinubuhos sa atin mula sa “gates of hell”?
Oh, ‘di ba? Magiging tagapagligtas pa tayo ng buong sanlibutan! Hak, hak, hak! Pwe!
Napakainutil kasi ng ating pamahalaan pagdating sa problema sa baha! Tangna! Huh!
-o0o-
HANGA tayo, parekoy, sa tikas nitong mga gambling lord sa Mandaluyong City na sina Rose at Chris.
Sa kabila ng mga banat sa media sa iligal na bookies ng lot-teng at video-karera ng dalawang nabanggit ay hindi pa rin makaipon ang kapulisan ng lakas ng loob na sila ay hulihin.
Hepe, baka naman iba na ang iniipon ninyo sa operasyon nina Rose at Chris? Ha?
Gaya ng ipinangangalandakan ng mga kabo ng mga gambling lord na ito na hindi sila kayang hulihin ng mga pulis dahil malaki ang tulong pinansiyal ng kanilang amo kay Mayor Abalos noong nakaraang halalan.
Mukha yatang kapani-paniwala, parekoy.
Dahil kung talagang walang sabit si yorme rito kina Rose at Chris, bakit nga hindi niya mautusan ang mga pulis na ratsadahin itong iligal na sugal sa kanyang nasasakupan?
Kung sakali namang iniutos na nga niya pero ayaw namang kumilos ni hepe, ibig sabihin ay si COP ang patong!
Eh di sibakin ang inutil at patong na hepe!
Kumbaga, paatrasin na si hepe.
Walang ipinag-iba sa sigaw dati ni First Gentleman Arroyo kay Joey de Venecia nang sasawsaw sana ito sa bilyon-bilyong pisong NBN-ZTE deal ng matandang Abalos.
Back off!!!
The post SUGAL SA MANDALUYONG AT WALANG APOY SA IMPIYERNO appeared first on Remate.