Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

SEX-PALIT-LIPAD, SEX-PALIT-LIPAT AT MGA OPISYAL PAPUGUTAN

$
0
0

benny antipordaMATAGAL nang reklamo ang pang-aabuso ng mga opisyal ng Pilipinas sa mga kababaihang overseas Filipino worker na tumatakbo sa kanila para magpatulong sa mga problema.

Hindi inaaksyunan ang mga ito at suwerte lamang na muling naungkat ito.

Ano-ano ngayon ang mga gagawin ng pamahalaan?

SEX-PALIT-LIPAD

Sex-palit-lipad o sex for fly ang napagtutuunan ng pansin ngayon.

Ibig sabihin, makaraang magpatulong ang isang babaeng OFW sa mga opisyal ng ating embahada o konsulado at gusto na niyang umuwi ng Pinas, kailangan muna niyang tumihaya sa mga opisyal.

‘Pag pumayag ang OFW sa pangmamanyak sa kanya ng mga opisyal, diyan na siya tutulungan na magkaroon ng mga kinakailangang papeles para makalipad pauwi.

Mauuna siya sa iba na nagsisiksikan at ayaw pumayag sa sistemang ito.

IBINEBENTA SA IBA

Dahil nasimulan na, habang inilalakad ang mga papeles, tuloy-tuloy ang pambaboy sa OFW.

Bukod sa pakikipag-sex sa mga opisyal, ibinebenta pa sila sa iba.

Ang katwiran: upang makaipon kahit papaano ang mga OFW at may maiuuwi sila sa kani-kanilang mga pamilya.

Dinaraan na lamang sa bulung-bulungan at tahimik na pakikisimpatiya ang magagawa ng ibang mga OFW.

SEX-PALIT-LIPAT

Hindi lang sex-palit-lipad, mga Bro, ang dinaranas ng mga OFW.

Dumarating din sa atin ang mga ulat ukol sa sex-palit-lipat.

‘Yun bang === kung may tsansa pa ang mga OFW na lumipat o magpalit ng employer, minamanyak din ang mga ito.

Sex-palit-lipat ang tawag naman dito.

Pumapayag na lang ang mga OFW dahil sa napakaraming dahilan.

Hindi pa nakababawi ang mga OFW ng pambayad sa malaking utang sa kanilang pag-a-abroad.

‘Yung iba, gusto muna nilang makaipon bago sila umuwi.

WALANG TRABAHO SA PINAS

Katwiran ng nakararami,  wala silang madaratnang trabaho sa mahal kong Pinas na makapagbibigay sa kanila ng tamang pamumuhay at kinabukasan.

Kaya sa pakikipagsapalaran na lang sila umaasa para mabuhay.

At hindi bale nang mawasak ang kanilang puri.

Tinitiis na lamang nila ang pambababoy sa kanila huwag lang magutom at maghirap ang kanilang mga pamilya rito sa Pinas.

Ganyan, mga Bro, ang dumarating na mga ulat sa malungkot na karanasan ng mga kababaihan nating OFW.

Ano-ano ang mga madaliang aksyon ng mga pulis at iba pang mga kinauukulan sa problemang ito?

USAD-PAGONG

Ang pagnanasa sa katawan ng mga OFW at pamemera ng mga opisyal sa mga ito ang isang malaking dahilan kung bakit hindi mabilis ang pagpoproseso ng mga embahada at konsulado ng papeles ng mga biktima pauwi sa Pinas.

May pera na nga naman sa pagbebenta ng mga OFW sa mga manyak na Pinoy o dayuhan, may pera pa sa pagpapalit ng mga employer o amo.

Hindi na nakuntento ang mga animal na opisyal na ito sa mga naglalakihang sahod, allowances at benepisyo.

Pati ang ating mga bayani ay ginagawa nilang pagkakakitaan.

PROBLEMA SA TESTIGO

Ayon sa mga kinauukulan, mahihirapan silang umaksyon kung walang lalantad na biktima at maging testigo.

Kung hanggang diyan na lang ang mga kinauukulan, mananatili ang kademonyohan ng mga opisyal.

Magpapatuloy ang malungkot na kalagayan ng mga OFW.

Kaya kung gusto talaga ng mga kinauukulan na sagipin ang mga OFW, dapat silang gumawa ng paraan na ma-encourage ang mga ito na lumantad at tumestigo sa gagawing mga pag-uusig.

Paano poprotektahan ng pamahalaan, halimbawa, ang mga lalantad na biktima at testigo?

Paano tatakpan ng pamahalaan ang pagkakakilanlan sa mga biktima at ilalayo ang mga ito sa mga kapaligirang tutuya sa kanila?

HOT POTATO

May malaking problema ang Pilipinas sa mga kasong may testigo na protektado ng pamahalaan.

Karanasan nang matapos ang mga kaso ay basta binibitiwan na lang ng pamahalaan ang mga testigo.

Lumalabas na may hangganan ang pagtulong ng pamahalaan sa mga ito at sinisisi pa ang mga testigo sa maraming pagkakataon sa kanilang paglantad.

‘’Yun bang === sinasabi sa kanila na “lalantad-lantad kayo, hindi naman ninyo mapanindigan hanggang kamatayan.”

Parang sobrang mainit na patatas ang mga testigo na ‘pag hinawakan ay basta na lang binitiwan.

“Dropping like a hot potato,” sabi ng iba.

PUGUTAN SILA

Kung ang prostitusyon at pakikipag-sex sa mga OFW kapalit ng kalayaan nila sa kagipitan ay nangyayari sa labas ng mga embahada, pupuwedeng idemanda ang mga ito sa bansang kinalalagyan nila.

Maganda kung may batas sa mga bansang pagsasampahan nila ng kaso ng parusang bitay o pamumugot ng ulo.

Ito’y para mabilis na matapos ang mga kaso at mabilis na ring mawala sa mundo ang mga manyakis na sumisira sa katauhan at pamilya ng mga OFW.

Kung dito kasi sa Pinas gagawin ang paglilitis, ang mga biktima pa ang karaniwang dehado at natatalo sa kalaunan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

The post SEX-PALIT-LIPAD, SEX-PALIT-LIPAT AT MGA OPISYAL PAPUGUTAN appeared first on Remate.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>