MASISIRA ang ulo ni Mang Sixto at ng kanyang mga komisyoner sa halalang pambarangay, katulad ng pagkasira ng ulo ng mga ito nitong nakaraang halalan.
Paano kasi, hindi na nila tiyak kung kailan at paano maipatutupad ang probisyon ng batas sa electioneering. ‘Yun bang === pangangampanya nang wala sa araw at oras.
Kung bakit kasi gumawa ang Korte Suprema ng desisyon na taliwas sa dati nang paniniwala ng Commission on Elections na bawal ang pangangampanya sa labas ng itinakda nitong mga araw para rito ayon sa batas umano sa halalan.
KAMPANYA UMAARANGKADA
Gumagawa na ang mga kandidatong kapitan, kagawad, Sangguniang Kabataan chairman at SK kagawad ng paputok para sa halalan nila sa Oktubre.
Ang iba nga sa kanila ay nagpapaputok na nang na-pakalalakas. ‘Yun bang ===nagpaparamdam o nangangampanya na sa buong barangay. Paisa-isa sila o grupo, depende sa usapan.
Kumikilos ang mga reelectionist at lalong gumagapang sa mga bahay-bahay ang mga bagong salta pa lamang.
Ang babait nila, pawang mga makatao, matulungin, maka-Diyos, palabati at kung ano-ano pang gimik ang kanilang ipinakikita para lang sila mapansin.
BASURERO PINAKIKILOS
Isang anyo ng barangay-wide na pangangampanya ng mga nakaupo at gustong mahalal muli ang pagpapaikot nila ng mga basurero, may trak o wala, sa buong barangay.
Nagtataka ang mamamayan kung bakit ngayon lang umano nagsisipag ang mga basurero.
Ngunit sa huli, naiisip din ng mga mamamayan na isang modus operandi ng mga incumbent ang pangangalap ng basura para lagi umanong malinis ang kanilang barangay, hindi mamamaho ang mga tahanan at kalsadang dinaraanan ng lahat at makatitiyak ng boto sa halalan.
WALANG PAKINABANG
Kaya lang, bakit kaya bibihirang daanan ng mga basurero ang mga purok o sitio na wala silang pakinabang?
Kahit pa nagkakapera sila sa junk shop sa mga nakukuha nilang papel, plastik, bakal at iba
pa!
Kung walang magbigay ng kahit pangkape man lang ang mga nasa purok o sitio, itsapwera talaga ang mga ito sa iskedyul sa pick-up ng basura. Pero ang sisipag ang mga basurero na mag-ikot sa mga lugar na may mga nag-aabot.
Anak ng tipaklong, may pera talaga sa basura.
HAPPY BIRTHDAY
Isa pang anyo ng barangay-wide na pangangampanya ang pagdaraos ng birthday na kumbidado ang lahat. Dito nasusukat ng isang kandidato kung mananalo siya o hindi.
Kaya naman, lahat ng masasarap na putahe na may agua de pataranta ang ini-hahanda ng mga ito.
Sa isang linggong kampanya, este, pag-imbita sa lahat na dumalo sa kanilang pa-birthday, umaasa sila na hindi lalangawin ang kanilang okasyon.
At tama nga lang naman ang kanilang inihahanda na mga litson baka at baboy, kilawin, inihaw at kung ano-ano pa. Dinurumog sila ng tao hanggang sa kung ilang ulit na maghugas ang birthday boy o girl ng daan-daang plato para lang masayang maasikaso ang mga tao, este, botante.
Kaya lang, pag-uwi ng ilan o maraming dumalo at walang pabaon, may mga nakasimangot sa mga ito. Nabusog nga, wala namang pabaon.
MABIGAT NA PANGANGAMPANYA
Palaisipan kung bakit ang sisipag ng mga electric cooperative o company na mamutol ng kuryente ng mga mamamayan ngayon. At lalong palaisipan kung bakit dumarami ang hindi nakapagbabayad ng kuryente.
Sumasama ba talaga ang buhay-buhay ng mamamayan at taliwas ito sa sinasabi ng gobyerno na umuunlad na nang todo ang mahal kong Pinas?
Dahil dito, ang daming kandidato ngayon ang nahaharap sa pagbabayad ng kuryente ng mga mamamayan. At nagiging sakit ng ulo ng mga kandidato ang problemang ito.
Kapag walang maiabot ang kandidato na solusyon sa problema at uuwi nang luhaan ang “pinutulan”, lagot silang kandidato sila.
Hehehe!
SAKLANG PATAY, PATUPADANG PATAY
Sakit din sa ulo ng mga kandidato ang mga namamatayan, lalo na sa mga lugar na bawal ang mga sakla o patupadang-patay.
May order daw kasi mula sa Department of Interior and Local Government na bawal ang mga pasugal na ito.
Eh, sa rami at pagdami ngayon ng mga naghihirap na kung saan-saan at kung kani-kanino na lang tumatakbo para may panlamay at pampalibing sila sa patay, patay ang karir sa halalan ng mga kandidatong walang maiaabot na tulong.
Pero para hindi naman mapurnada ang boto ng mga kandidato, napipilitan ang mga ito na magbigay ng cash o anomang tulong sa mga namamatayan.
‘Yung mga may palaman lagi sa bulsa, sila pa ang dumarayo sa mga lamayan upang mag-abot ng tulong. Sa rami ng mga kandidato na nagpapakita, kahit paano ay nakaiipon ang mga namatayan ng pampalibing.
PAMPAOSPITAL
Sinasamantala rin ng mga nagkakasakit ang paghingi ng tulong mula sa mga kandidato. At malaki ring sakit ng ulo ng mga kandidato ito. Lalo na kung naoospital ang kanilang mga nasasakupan.
Kung bakit kasi mahal na rin ang bayarin kahit sa mga public hospital. Kung libre man ang serbisyo ng mga doktor na empleyado ng mga ito, hindi ang mga “visiting doctor” na napaka-mamahal sumingil ng “professional fee.”
Ganyan katindi, Mang Sixto, ang inaabot ng mga kandidato sa halalang SK at barangay sa Oktubre.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post HALALANG BARANGAY TODO ANG ARANGKADA appeared first on Remate.