MUKHANG may blessing ang Malakanyang sa pag-amyenda ng Saligang Batas ng bansa. Kahit kasi puro negatibo ang mga sagot ng mga tagapagsalita ni Pangulong Noynoy Aquino patungkol sa Charter Change ay malinaw naman na hindi magkakaroon ng lakas ng loob si Cong. Feliciano Belmonte ng Quezon City, lalo’t hindi pa tapos ang halalan sa pagka-pinuno o speakership ng Kamara.
Kung pakasusuriin ang kasaysayan ng bansa, malinaw na wala pang nahalal na Speaker ng Kamara na hindi binendisyunan ng Malakanyang at iyan ang ating basehan kung bakit natin sinasabi na posibleng may internal agreement o pailalim na usapan ang Palasyo at ang kasalukuyang boss ng Kamara na si Belmonte.
Ayaw lang sigurong masabi ng Malakanyang na sa kanila galing ang inisyatibo ng Chacha dahil ang lahat ng gumawa nitong Pangulo na kinabibilangan nina Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo ay pawang nabigo dahil ang tiningnan ng mamamayan ay ang benepisyo nilang makukuha kapag natuloy ang pag-aamyenda ng Saligang Batas katulad ng kanilang term extention.
Malinaw rin na ang Saligang Batas na ginagamit natin ay niratipikahan noong 1987 na panahon ng ina ni PNoy na si Pang. Cory Aquino bilang pinuno ng estado. Pangit naman kasing lalabas na siya ang nagtutulak ng pagbabago sa Saligang Batas gayong ang kanyang ina na si Cory Aquino ang nagpapanday at lumagda rito.
Alam naman ng madla na hindi na tugma ang ilang probisyon ng 1987 Constitution kaya’t kung ililimita lamang sa pag-aamyenda sa mga pang-ekonomiyang probisyon ang gagalawin at aamyendahan ay tiyak na walang magiging maingay na pagpalag o violent reactions ang tao dahil ang pinag-uusapan dito ay ang pag-unlad ng bansa.
Nagkakaroon lamang kasi ng kulay ang Chacha kapag pinag-usapan na ang pag-aamyenda sa mga probisyong pulitikal nito lalo’t sa usapin ng dinastiya at term limits na masyadong negatibo ang dating sa tao.
Dangan nga lamang ay masyadong mapanganib ang pagbubukas ng Saligang Batas at iyan ay pinatunayan na ng panukalang batas na iniakda ng magkapatid na Reps. Rufus at Maximo Rodriguez na kung saan gusto rin nilang galawin ang probisyong pulitikal nito kagaya ng pagtatanggal ng termino sa lahat ng hinahalal na opisyales ng bansa.
Magandang pagdebatehan ang Chacha pero iisa lamang ang tiyak sa usaping ito dahil ang kagustuhan pa rin ng Malakanyang ang lundo ng tagumpay ng pag-aamyenda ng Cory’s Constitution.
The post CHACHA MAY BLESSING NI PNOY appeared first on Remate.