NIREREBISA at pinag-aaralan ng pamahalaan ang aprubadong singil ng water concessionaires sa consumers kaya’t mali ang pinalalabas ng gobyerno na may iligal na kolek-syon ang concessionaires.
Kaya nga walang karapatan ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Commission (MWSS-RC) na magmalinis at ituro ang Manila at Maynilad Waters na labis-labis ang singil.
Sinasabi rin ng dalawang concessionaires sa Metro Manila na ang mga buwis at iba pang sinisingil na sinisilip ng MWSS sa kanila ay mismong sa kanila nanggaling at nagbigay ng garantiya na maibabalik ang gastusin para sa operasyon, capital investment, Philippine business tax, at bayad sa utang ng MWSS.
Dapat busisiin kung totoo na may kontrata/kasunduan ang pamahalaan at concessionaires kaugnay sa pagpasa ng buwis sa consumers. Sakaling totoo, aba’y huwag naman “mag-iwas pusoy” ang mga opisyal ng MWSS para lang huwag sa kanila magalit ang mga mamamayan, kasama na ang Palasyo.
Dapat muna sigurong ayusin ng MWSS ang usaping ito upang hindi na abutin ng State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino. Baka kasi kapag nakarating kay PNoy ang kapalpakan ninyo ay makasama kayo sa mga sisibakin sa kanyang administrasyon dahil sa mga kapalpakan at hindi pagsunod sa “Daang Matuwid.”
Kapag hindi naayos ang negosyo ng concessionaires, baka masira na naman ang maayos na serbisyo sa mga residente ng Metro Manila at karatig na lugar.
Mabuti kung katulad nila ang mga mayayaman na kayang-kaya ang bumili kahit pa purified, mineral, ionized o distilled water.
o0o
MATINDI ang pagtutol na inihayag ng grupo ng flour importers kaugnay sa hiling na taas sa taripa ng kakumpitensiyang grupo na local flour millers. Kung uunawain ang gustong mangyari ng Philippine Association of Flour Millers na itaas sa 20% ang taripa ng inaangkat na harina sa ibang bansa, tiyak na tataas ang presyo ng US flour at Turkish Flour na kadalasang gamit ng mga panaderya sa bansa.
May katwiran si Ernesto Chua, dahil sa pagtaas ng presyo ng harina, makokopo ng local flour millers ang merkado at tiyak na ilan na lang ang mag-i-import dahil sa mataas na taripa. Sila na lang (PAFMIL) ang magdidikta ng presyo ng produkto kapag nagkaganun. Magiging kawawa na naman si Juan dela Cruz dahil ‘pag mataas ang bili ng mga panadero sa harina ay wala silang pupuntahan kundi magtaas din ng presyo ng tinapay. Biktima na naman ang mamamayan.
Tama lang na suportahan ang panawagan ng grupo nina Chua at maging ni Benito Lim, president ng Filipino-Chinese Baking Association, Inc.
Sa ngayon, ayon kay Lim, dapat sana ang pamahalaan ng Pilipinas ay kapareha ng binanggit ni Abraham Lincoln sa kanyang Getty’s Burg address –For the people, by the people and of the people.
Natatawang sabi ni Lim, ang gobyerno ng Pilipinas ay ganito — fool the people, buy the people and off the people.
The post MWSS IWAS-PUSOY appeared first on Remate.