SIKAT ang teleserye na My Husband’s Lover.
Pinag-uusapan at nagte-trending sa mga social media.
Nagsimula ang nasabing teleserye ng mga panahon na napasa sa California, USA ang batas na pwede nang magpakasal ang may parehong kasarian, babae sa babae o lalaki sa lalaki.
Samantala, lumabas din ang resulta ng isang survey na malu-wag na tinatanggap ng LGBT group: lesbians, gays, bisexuals at transsexuals.
Ang isyu ng mga pabor sa same-sex marriage ay equality, pagkakapantay-pantay sa batas.
Kahit sa palagay ng marami ay malayo pa raw bago matanggap ang same-sex marriage sa Pilipinas, dapat na rin pag-usapan ito sa konteksto ng equality.
Sa kasalukuyang batas natin, kapag ang isang may asawang babae ay nahuling nakikipagtalik sa ibang lalaki, maaaring kasuhan ang babae ng adultery.
‘Pag ang isang may asawang lalaki ay nahuling nakikipagtalik sa isang babae ay maaaring sampahan ng kasong concubinage ang nasabing lalaki.
May panukalang batas na rin na ibig pag-isahin ang dalawang bersyon na ito ng kataksilan, ang marital infidelity bill para sa patas na pagpaparusa sa sino man, lalaki o babae na may asawa, ang mapatunayang nakikiapid.
Pero kung ang isang may asawang lalaki ay nahuling nakikipagtalik o nakikiapid sa kapwa lalaki, walang batas.
Kapag ang isang may asawang babae ay nahuling nakikipagtalik o nakikiapid sa kapwa babae, walang batas ang magpaparusa.
Maraming kaso ng pang-aabuso, panlalamang, harassment at violence sa pagitan ng mga taong nagsasama na pareho ang kasarian.
Madalas ay hindi napananagot ng batas ang mga krimen dahil hindi sakop ng ating batas ang relasyon ng dalawang tao na pareho ang kasarian.
Dapat na pag-aralan ng ating mga mambabatas ang anggulong ito at amyendahan ang batas.
Kung ang mga LGBT ay sumisigaw ng equality, dapat may kaakibat na responsibilidad at accountability.
Bilang abogado ay may naihanda akong draft ng bill para rito.
Kung sino man sa ating mga mambabatas ang interesado ay mag-email sa ariel.inton@gmail.com o mag-text sa 09173147235.
The post MY HUSBAND’S LOVER BILL appeared first on Remate.