MAY babala ang Filipino-Chinese Bakery Association at ang Philippine Baking Industry Group: ang presyo ng pandesal at iba pang tinapay ay magmamahal na dahil hindi na sila maka-i-import ng murang Turkish flour.
Kawawang mga panadero at mahihirap na ang favorite almusal sa umaga ay pandesal na isinasawsaw sa kape sa kawalan ng pera.
May petition kasi ang higanteng Philippine Association of Flour Millers (Pafmil) na itaas ang tariff o buwis ng mga importer ng mas murang Turkish flour.
Mas mahal kasi ang flour o harina ng Pafmil kaysa Turkish flour na mabentang-mabenta sa maliliit na mga panadero.
Ang sabi ng Pafmil ay nalulugi sila sa murang Turkish flour na sa pakilasa ko ay mas masarap kaysa harinang gawa ng Pafmil.
Sa ngayon ay 7% ang tariff sa Turkish flour pero sa isang buwan ay malamang na itataas ito ng gobyerno sa 20% dahil sa petition ng Pafmil.
Ang takot ng Pafmil ay malulugi sila at masisira ang kanilang negosyo.
Ang sabi ko naman ay dapat namang murahan na ng Pafmil ang presyo ng kanilang harina dahil kawawa naman ang mga mahihirap. Paliit na nga nang paliit ang pandesal at pamahal pa nang pamahal.
Matagal nang tumatabo ng kita ang mga miyembro ng Pafmil. Palaki nang palaki ang kanilang kita kaya panahon na para ibaba naman nila ang kanilang presyo.
Jinggoy for Manila mayor?
May kumakalat na balita na mas gusto ni Senador Jinggoy Estrada na maging next mayor of Manila pagkatapos ng term ni Mayor Erap.
Paano na kaya ang ambisyon ni Vice Isko Moreno?
Bilang paghahanda raw ni Senador Jinggoy ay mga tauhan na niya ang namamayagpag sa city hall.
Kamuntik na nga raw mawalan ng puwesto ang script writer ni Erap na si Diego Cagahastian bilang public information officer dahil ang gustong PIO ni Jinggoy ay ang sarili niyang tauhan.
The post PRESYO NG PANDESAL TATAAS; MANILA POLITICS LALALA appeared first on Remate.
