SA halos tatlong dekada ko bilang mamamayan ng Caloocan, wala akong narinig na maganda tungkol sa lugar ng Monumento, bagkus puro kapintasan.
Problema sa trapiko ang madalas na inirereklamo ng mga motorista. Ang kawalan ng disiplina ang ugat kaya usad pagong ang daloy ng mga sasakyan.
Ang sidewalk ay ginawang istambayan at lagakan ng vendors sa kanilang mga paninda na dapat sana’y daanan nina Mang Juan at Aling Maria.
Ang mga kalye ay mistulang private parking lots dahil ginawang ‘loading and unloading zones’ ng mga bus at jeepney.
Idagdag mo pa ang nagkalat na mga snatcher, holdaper, manggagantso at kung ano-ano pang kriminal sa lugar na bumibiktima sa madla.
Sa madaling sabi, taboo ang salitang disiplina sa mga naghaharing-halimaw riyan sa Monumento, kasama na ang mga tiwaling awtoridad.
Isa lamang naman ang dahilan: – ito’y ang multi-million tongpats kaya may mga vendor, problema ng traffic at kriminalidad sa paligid ng Monumento.
Pero, harinawa, sa liderato ni Mayor Oca Malapitan, magtuloy-tuloy na papuring binitawan ni Mang Gorio, driver ng taxi na aking nasakyan kamakailan.
Sa kauna-unahang pagkakataon – sa halos tatlong dekada na puro pamimintas ang naririnig ko tungkol sa Monumento – narinig ko kay Mang Gorio ang katagang “maayos ngayon ang Monumento”.
Parehas pala kami ng obserbasyon ni Mang Gorio. Sa isang linggo ko nang pagdaan-daan sa Monumento, maayos ang daloy ng trapiko.
Ito’y dahil walang naghambalang na obstruction sa kalye at may law enforcers na nagdidirekta ng disiplina sa paligid ng Monumento.
‘Di isa ngunit maraming beses ko ring natunghayan si Mayor Oca na umiikot, marahil, nag-oobserba sa mga nangyayari sa lugar.
Sa maraming personalidad na nabigyan ng pagkakataon para pamahalaan ang pagsasaayos ng Monumento, anila, mahirap i-transform ito.
Talagang mahirap, pero sa isang determinadong lider na may political will, ang pagbabago ng Monumento ay ‘di magiging mahirap.
Political will ang dapat maging sandata ni Mayor Oca para ako, ikaw at kayo ay ‘di na muling makarinig ng pamimintas sa makasaysayang lugar na ito ng Caloocan.
The post TRANSFORMATION NG MONUMENTO NAKASALALAY KAY OCA appeared first on Remate.