TANGGAPIN man o hindi ng mga kinauukulan, ang pagmimina sa mga likas na yaman ng mahal kong Pinas ang isa sa mga dahilan kung bakit gustong retokihin ng mga nasa Kongreso ang ating Saligang Batas.
Sa ngayon, itinatadhana ng Saligang Batas na sa mga korporasyong may halong kapital na dayuhan, dapat na hanggang 40% lamang ang pag-aari ng mga dayuhan at 60% naman ang sa Filipino.
Sa pagretoke sa Konstitusyon, bubuwagin ang nasabing pagrenda sa mga dayuhan at bibigyang-laya ang mga ito na magmay-ari ng 100% sa kapital ng mga kompanyang itatayo ng mga dayuhan sa Pilipinas.
At bibigyan din ang mga ito ng karapatang magmay-ri ng mga lupain sa bansa, gaano mang kalawak ang mga ito. Maaaring pati ang mga minahan at sakahan sa bansa ay pupuwede nang aariin ng mga dayuhan.
‘DI KAYA NG MGA PINOY
Katwiran ng mga awtoridad, bibihira o halos walang kakayahan ang mga Pinoy na maglagak ng puhunan para sa pagmimina o paunlarin ang ating mga kalupaan ayon sa ating inaasahan na kaunlaran.
At ang mga dayuhan ang mayroong kapital at kakayahan na gumawa nito.
Kaya naman kailangang buwagin umano ang batas na humaharang sa mga dayuhan na gumawa ng mga paraan upang umunlad ang ating bansa.
Ang sabi, uunlad talaga ang mga Pinoy sa pagiging manggagawa at maging ang pamahalaan sa pamamagitan ng buwis na makokolekta nito mula sa mga dambuhalang kapitalista.
TONGPATS ‘DI SINASABI
Ngunit lingid sa mata ng nakararami, marami sa mga mambabatas ang atat na atat na magkaroon ng sosyo o iba pang pakinabang sa mga dayuhan.
Kabilang sa mga ibang pakinabang na karaniwang tinatanggap ng mga ito ang tongpats na kung susumahin ay lifetime na nilang pagpipiyestahan.
Milyon-milyon o bilyones, mga Bro, karaniwan ang usapan dito kaya naman sa tongpats lamang ay milyones o bilyones din.
May tongpats, mga Bro, mula sa pag-uusap pa lamang upang makapagsimula sa survey ang mga dayuhan.
Iba pa ang tongpats sa oras ng pag-aapruba sa pagmimina o pagsasaka o pag-convert ng mga ito sa mga lupain, ayon sa pangangailangan ng mga dayuhan.
May tongpats din kapag nag-ooperate na ang mga ito, kasama na ang mga nahihinging kontribusyon ng mga ito sa mga araw ng halalan.
YUMAYAMAN, INUUBOS
Sa ibang salita, sa biyaya ng tongpats, habang nagtatagal ang mga dayuhan sa operasyon, makikita natin tiyak ang lubos na pagyaman ng mga kinauukulan.
Hanggang isang kahig, isang tuka lang naman ang pakinabang ng mga magiging obrero sa bisa ng kontraktuwalisasyon na napakabilis na lumalawak sa buong Pinas.
Sa kabilang banda, tulad ng Malampaya natural gas na may 20 taong buhay lamang, walang kinabukasan ang mga likas na yaman ng bansa kundi maubos at masira.
Mauubos ang mga ginto, pilak, tanso, blacksand at iba pa nating likas na yaman at dadalhin ang mga ito sa ibang bansa.
Tulad din ng nagaganap ngayon, ilalabas at ilalabas din ng mga dayuhan ang kanilang kita at ang sarili nilang mga bansa ang pangunahing kikita at hindi ang Pinas.
MARINDUQUE MINES
Kapag matuloy ang lubos na pagmimina sa ating bansa lalo na sa kamay ng mga dayuhan, wala tayong ibang patutunguhan kundi ang trahedya sa Marinduque mining.
Matapos na pagsawaan at kutkutin ng mga dayuhan ang mga ginto at pilak sa malawak na bahagi ng lalawigan ng Marinduque, iniwan na ito at naiwang sira ang paligid.
Kasamang sira ngayon ang kalusugan ng mga mamamayan dahil sa iniwang mga kemikal ng mga dayuhan sa kanilang planta.
Pati ang mga ilog at dagat na dinadaluyan ng tubig ay nagkaroon ng mga lason na ikinamamatay ng mga yamang ilog at dagat at ikinasasakit ng mga Marinduqueño.
GIBA AT GUHO SA MGA BUNDOK
Madalas ngayong nagkaka-lanslide sa mga miniminang lugar.
Sa Baguio, sa Zambales, sa Compostela Valley at iba pang lugar na dinaanan ng mga minahan o pinagmiminahan sa kasalukuyan.
Sa bawat lindol na maganap, gumuguho ang mga lupa.
Sa bawat butas sa ilalim ng lupa, may gumuguhong lupa.
At sa bawat dinamita na pagsabog sa mga minahan sa kabundukan, pag-araro ng mga buldoser at pagkutkot ng backhoe sa mga ito, walang kasunod kundi ang pagkakalbo ng kagubatan, pagguho ng mga lupa at pagkawala o pagkapatag ng mga bundok.
SIRANG SAKAHAN
Ang mga sakahan naman, maliban sa pagkasira ng mga ito sa pagkakarga ng kemikal para mabilis na pagtamnan at pag-anihan ang mga ito, tiyak namang mauubos sa pagdami rin ng mga establisimyento sa lugar.
Ang mga sakahan sa huli ay hindi na muling makikita pang may mga palay o gulay o punong kahoy na inaanihan ng mga prutas.
Balang araw, ang mga bahay at iba pang itruktura na ang makikitang nakatanim sa mga ito.
At tiyak namang magiging dahilan ito upang mawalan ng seguridad sa pagkain ang buong bansa.
SILA-SILA LANG
Tingnan ninyo, ipipilit at ipipilit ng mga kongresman at senador, kasama ng mga kakampi nila sa Palasyo at ng mga nasa lokal na pamahalaan, na sila-sila na lang ang magretoke sa Konstitusyon upang magiging mabilis umano ang pagbabago.
Wala naman umanong kuwestiyon dahil kinatawan naman sila ng mamamayan.
Pero sa karanasan, karaniwang pansariling interes ang namamayani sa mga ito makaraan ang halalan.
Maaaring hindi nila bibigyan ng puwang ang panukala na, kung kailangan ang pagbabago sa Saligang Batas, idaan sa Constitutional Convention ang pagbabago.
Sa Concon, mga Bro, ihahalal ng taumbayan ang mga delegado sa pagretoke at hindi ang mga kasalukuyang mambabatas ang gagawa nito.
Kapag nangyari ang gusto ng mga kongresman at senador at mga kasabwat nila sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na sila-sila lang ang magreretoke sa pamamagitan ng Constituent Assembly kung tawagin, maghanda-handa na tayo.
MAIIWANG NAKANGANGA
Nganga ang aabutin ng nakararami sa huling mga araw.
Pero mas masahol pa rito dahil wala nang madaratnang yaman ng mahal kong Pinas ang mga susunod pa nating lahit.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post PAGDOKTOR SA KONSTITUSYON AT MGA DAYUHAN SA MINAHAN appeared first on Remate.