SINUBUKAN na ba ninyong kapain ang inyong kapaligiran, lalo na ukol sa mga sakahan?
Medyo pinaninindigan tayo, mga Bro, ng balahibo.
Sa pagpunta-punta kasi natin sa mga lugar sa labas ng Metro Manila at iba pang mauunlad na mga lalawigan, lungsod, bayan at barangay, mabilis na nawawala ang mga sakahan.
Karamihan sa mga ito ang kinu-convert na residensyal, komersyal o industriyal. Ibig sabihin, parang hindi mapigilan ang pagdating ng mga panahon na wala na tayong mapagtatamnan at mapagkukunan ng ating mga pagkain.
Bigas, gulay, prutas, karne at maging isda at iba pang lamang dagat o tubig mula sa mga palaisdaan, ilog at sapa.
MALALAWAK NA SUBDIBISYON
Unang tumatambad sa ating mga mata ang mga napakalalawak na mga subdibisyon.
Kahit malalayo sa mga bayan o lansangan ang mga ginagawang subdibisyon, mabilis na nagiging residensyal, komersyal at industriyal ang mga lupang nasa paligid ng mga ito at ang mga lupang nasa pagitan ng mga malalayong subdibisyon sa mga kabayanan o sentro ng barangay at iba pang mga lokal na pamahalaan.
ZONING PROGRAM
Napipilitan ang mga barangay, munisipyo at lungsod na magdeklara ng mga lupa bilang mga residensyal, komersyal at industriyal sa kanilang zoning program dahil sa pagsulpot ng mga subdibisyon.
Interes ng mga lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng salapi mula sa mga pagbabago sa klase ng mga lupain.
Sa mga lupang agrikultural kasi, kabilang na ang mga pastulan o farm sa mga hayop at palaisdaan, maliit na buwis ang kanilang nasisingil samantalang ‘di hamak na mas malaki ang kinikita ng mga ito sa mga residensyal, komersyal at industriyal.
Ito kasi ang nagpapa-angat sa kanila mula sa mababang klase ng barangay, munisipyo, lungsod at lalawigan tungo sa Class C, Class B, Class A at iba pang mas maunlad na kalagayan.
Habang tumataas ang uri ng mga barangay, bayan, lungsod at lalawigan, sumisirit naman ang sinisingil nilang mga buwis, maging ang presyo ng mga bilihin sa mga ito, na isa sa mga batayang dahilan upang umangat ang grado ng mga ito.
Isa pa, habang may mas mataas na klase ng mga barangay, bayan, lungsod at lalawigan, higit silang umaasa ng mas malaking bahagi sa ipinamamahaging internal revenue allotment.
‘DI BALENG MAY GUTOM
Hindi iniintindi ng mga lokal na pamahalaan ang suplay ng pagkain para sa kanilang mga mamamayan. Higit nilang interes ang pagkakaroon ng higit na pagkakaperahan at malaking bagay sa kanila ang kumbersyon ng mga lupain.
Sumusunod lamang din ang mga pambansang ahensya na pagkakaperahan din ang higit na inaatupag kaysa sa pagtitiyak ng sapat na suplay ng pagkain para sa buong bayan.
Maluwag sa kumbersyon ng lupa, halimbawa, ang Department of Environment and Natural Resources at mabilis na nag-iisyu ito ng environmental compliance certificate sa mga namimili ng mga malalawak na lupaing agrikultural upang gawing mga residensyal, komersyal at industriyal ang mga ito.
NAPIPILITANG MAGBENTA
May mga may-ari ng lupa na gustong panatilihin ang kanilang mga sakahan dahil dito sila umaasa ng tiyak na suplay ng pagkain.
Pero nagiging wais ang mga namimili ng mga malalawak na lupain upang mapilitang magbenta ng lupang sakahan ang mga magsasaka, magpuprutas at mangingisda. Ugali ng mga ito ang bilhin ang lahat ng mga nakapaligid sa isang sakahan upang mapilitang magbenta ito. Tinatakot ang mga may sakahan sa pagkawala ng mga road right of way o labasan o pasukan ng mga ito.
NAWAWALANG MGA KALABAW
Kasabay ng paglaho ng mga sakahan ang paglaho rin ng mga hayop na alaga ng mga ito.
Nawawala na ang mga ipinapastol na kambing, karnero, kalabaw, baka, manok, bibi, itik, isda, hipon at iba pa.
Paano ka nga naman makapag-aalaga ng mga hayop, isda at iba pa kung ipagbabawal na ang mga ito sa mga kinu-convert na lupain?
At kung natatayuan na ang mga lupain ng mga bahay, gusali at iba pa, bukod pa sa pagkakaroon ng mga sementadong kalsada na lumalamon sa mga damo na pagkain ng mga hayop?
UMAASA SA BILIHAN
Salapi ang kailangan upang mabuhay, hindi ang produksyon sa agrikultura, katwiran ng mga nasa pamahalaan.
Pero hindi nila nalalaman na wala nang katiyakan sa trabaho, maging sa sahod na pagkukunan ng pambili ng pagkain.
KONTRAKTWAL
Sa lawak at mabilis pang lumalawak na kontraktwalisasyon sa trabaho, naririyan ang paliit nang paliit na kakayahan ng mga mamamayan na bumili ng pagkain.
Isa pang problemang malaki at malawak ang walang sapat na sahod at pagkakakitaan ng mga mamamayan.
Ni hindi nga nabanggit ang pagtaas ng sahod noong Mayo Uno na araw ng mga obrero.
At lalong walang nabanggit ukol sa sahod ng 38 milyong obrero sa State of the Nation Address.
TUNAY NA NAKATATAKOT
Talaga namang nakatatakot ang mabilis na pagkaubos ng mga sakahan.
Ano ang gagawin para manguna ang pamahalaan sa pagtitiyak ng mga lupaing ating pagyayamanin para sa ating mga pagkain?
Ano rin ang gagawin, lalo na ng mga ordinaryong mamamayan na mauunang maaapektuhan ng kakapusan ng pagkain?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post SAKAHAN PALIIT NANG PALIIT; MALAWAKANG GUTOM NAKAAMBA appeared first on Remate.

