MADALAS kapag may mga pumuputok na kontrobersiya na may kinalaman sa hindi tamang paggamit ng kaban ng bayan, mabilis pa sa alas-kwatro sa pagtawag ng tinatawag na “investigation in aid of legislation” itong ating mga mambabatas. Ngunit bakit tila atubili sila ngayon at nangingiming maghain ng resolusyon upang maimbestigahan itong P10-Billion “pork barrel scam” na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles?
Ang lalong nakapanggigigil ay itong mga lumabas na mga larawan sa social media na nagtatampok ng magarbong pamumuhay ng anak ni Napoles na si Jeane. Enjoy na enjoy siya sa pagpapasasa sa mga salaping kinamal ng kanyang ina mula sa ating bayan. Bwisit!
Ayon kay Napoles na tinaguriang “Pork Barrel Queen” ay wala namang masama kung ipangalandakan ng kanyang anak ang kanilang yaman sapagka’t ito umano ay bunga naman ng kanyang pagsisikap. Marami umano siyang negosyo rito sa Pinas at sa ibang bansa.
Ayun pala, eh, ang kayamanan nitong si Napoles ay galing sa ligal na pamamaraan at hindi sa dugo at pawis ng ating mamamayan. Bakit tila natatakot itong ating mga senador at kongresista na ungkatin kung saan at ano nga ba talaga ang puno’t dulo ng pork barrel scam?
Si Napoles na nga mismo ang nagsasabi na nakahanda naman siyang sumailalim sa isang imbestigasyon, eh, bakit ‘di natin ito isakatuparan nang magkaalaman na talaga kung saan nga ba talaga napunta ang nawawala na bilyon-bilyong pork barrel fund?
Hindi kaya natatakot lang ang mga ito na sa bandang huli ay mabubuking ng taumbayan na may porsiyento rin sila mula sa mga nahokus-pokus na pork barrel?
Eh, ang kwento nga sa akin ng isang source na sa Senado na lang, halimbawa, naging kalakaran na rito ang tinatawag na “conversion” ng kanilang P200-Million Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ipapasa nila ang kanilang buong PDAF sa isang “contractor” na gaya nitong si Napoles subalit ang 60 porsiyento nito ay ibabalik sa kanila na “cold cash”. Itong mga contractor na ang bahala kung paano nila makukuha ng buo ang P200 milyon at kung saang mga “proyekto” ilalagay ang natitirang 40 porsiyento at halos lahat dito ay pawang mga “ghost project”.
Madali lang itong gawin sa kaso ng mga dakilang senador. Dahil buong bansa ang nasasakupan ng kanilang posisyon, hindi na malalaman ng ating mamamayan kung saan at paano nila nalustay ang kanilang pork barrel. Pwede na nilang sabihin na nagpatayo sila ng isang post-harvest facility sa isang liblib na barangay at wala nang makaaalam kung totoo nga ba ito o hindi.
May nakita na ba kayong Senador na naglilista isa-isa kung saan-saang proyekto napunta ang kanyang pork barrel? ‘Di ba wala?
Hindi kaya ‘yan ang dahil kung bakit tahimik itong si Sens. Bongbong Marcos, Loren Legarda, Gringo Honasan at Jinggoy Estrada at tila nanlalamig ang paa na imbestigahan itong si Napoles? Ala, eh, huwag namang masyadong magpahalata!
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post TAKOT SILA KAY NAPOLES? appeared first on Remate.
