KULUBOT na mga balat, mapuputing buhok, mabagal na pagkilos at pagkamakakalimutin. ‘Yan ay ilan lamang sa mga katangian ng ating mga lolo at lola na nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay o ‘yung tinatawag na golden years.
Paano nga ba natin matutulungan sina lolo at lola upang ang kanilang mga gintong taon ay lumawig pa at lumigaya?
Sa bansang Australia, nakapanayam ko si Nanay Remy Sarmiento, ang presidente ng Filipino-Australian Senior Citizen of Victoria Incorporated o FAS-COVI.
Taong 1975 nang nabigyan ang kanyang anak ng oportunidad upang makarating at magtrabaho sa Australia bilang nurse na naging dahilan upang labis siyang mangulila rito.
Ito ang dahilan kaya nakarating siya sa nasabing bansa.
“Nagkaroon sila ng pagkakataon na kami ay imbitahan for a holiday, tumigil kami rito ng 3 months and then sabi ko parang gusto ko yata ritong tumira,” kwento niya.
Dahil sa programang family reunion ng Australia, naging posible hindi lang para kay Nanay Remy, kundi pati na rin sa iba nating senior citizens, ang makapanirahan doon para ma-kasama ang kanilang mga kaanak na naroroon.
Bukod sa kaligayahang nakukuha ng ating mga senior citizen na naroon dahil kapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay, maraming benepisyo rin ang natanggap nila mula sa gobyerno ng Australia gaya ng libreng sakay sa bus, medicare, konsultasyon, librang sinehan at discount sa mga bayarin o bilihin.
“Maliban pa sa mga ito, nagkaroon din ng panahon at pagka-kataon upang magkaroon ng social life ang mga senior citizen doon.
Sa pangunguna ng FASCOVI at sa tulong na rin ng grant o organizational support na ibinibigay ng Australian government para sa mga organisasyong gaya nito, nagkaroon ang mga senior citizen ng pagkakataon upang mag-get together sa pamamagitan ng iba’t ibang activity gaya ng pagpi-picnic, pagkakantahan, pagsasa-yawan at pagpunta sa iba’t ibang tourist spot doon at pagbabahay-bahay sa mga ito.
Naniniwala ang FASCOVI na dahil sa ganitong activities ay bumabalik ang sigla ng mga nakatatanda na nagiging dahilan upang higit na humaba at lumigaya ang kanilang buhay.
Wastong pagkain, suporta ng pamilya at suporta ng komunidad – ang mga ‘yan ay naka-tutulong upang higit na humaba ang buhay nina lolo at lola.
Subalit lagi nating tandaan na sa anomang sitwasyon, bata man o matanda ang ating pakikitunguhan, pagmamahal at ang pagpaparamdam sa bawat isa na sila ay mahalaga ay sapat upang naisin nilang mabuhay nang mas mahaba pa.
The post REMY’S GOLDEN YEAR appeared first on Remate.
